Lumalabas na negatibo sa gun powder residue ang 17-anyos na estudyanteng si Kian Loyd delos Santos na pinatay ng mga tauhan ng Caloocan City Police kamakailan sa isang anti-drug operation base sa resulta ng isinagawang paraffin test ng Philippine National Police (PNP).
Taliwas ito sa naunang pahayag ng mga nasa likod ng anti-drug operation na nagpaputok at nanlaban si Kian kaya kanilang binaril na nagresulta ng kamatayan ng binatilyo.
Si Kian ayon sa PNP Crime Laboratory ay nagtamo umano ng dalawang tama ng baril sa ulo pero sa autopsy ng Public Attorney’s Office ay nasa tatlong tama umano ng bala ang tinamo ng binatilyo.
Dalawa ang tinamo nitong bala sa ulo at isa sa likuran.
Isa sa likurang bahagi ng kaliwang tainga, isa sa loob ng kaliwang tainga at isa sa kaliwang bahagi ng kanyang likod na pawang fatal, ayon kay PAO Forensic Consultant Erwin Erfe kaya isa man sa tatlong bala na bumaon kay Kian ay tiyak na magreresulta ng kamatayan ng binatilyo.
Maliban sa napatunayang negatibo sa gun powder si Kian ay marami pang salto ang mga awtoridad na nagsagawa ng operasyon ayon naman sa report ng PNP-Internal Affairs Service.
Kabilang sa mga ito ay ang hindi pagsusumite ng sketch sa ginawang operasyon ang mga pulis Caloocan, hindi pagposas para maiwasan sana na manlaban katulad ng alegasyon, wala ring operation report ang mga pulis na noon ay nakasibilyan nang magsagawa ng one-time-big-time operation bukod sa hindi nakipag-ugnayan sa barangay.
Napakaraming butas sa nangyaring operasyon at napatunayan mismo ito ng PNP.
Nababahala tayo na maaring humantong ito sa tuluyang paglaho ng kumpiyansa ng taumbayan sa mga awtoridad na nasa likod ng kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno.
Gayunman ay naniniwala tayo na ang pagtitiwala ng ating mga kababayan sa mga awtoridad na nasa likod ng anti-drug operations ay hindi pa naman tuluyang naglalaho.
Kaya dapat ay ipakita ng mga nasa likod ng kampanya kontra iligal na droga na ang bawat operasyon nila ay lehitimo at higit sa lahat ay dumaan sa tamang proseso para hindi nalalagay sa kompromiso ang malinis na hangarin ni Pangulong Rodrigo Duterte na walisin ang mga nasa likod ng operasyon ng iligal na droga sa bansa.