Makakarekober tayo – Malacañang

Hindi nababahala ang Malacañang sa pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas sa 0.2% nitong first quarter ng 2020.

Sa kanyang virtual presser nitong Huwebes, inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kanilang ikinatuwa na “minimal” lamang ang naging epekto sa ekonomiya ng bansa ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sabi ng kalihim, magandang balita ito para sa Pilipinas na mayroon tayong “sound economic fundamentals” patunay ang very good credit rating at malakas na peso.

Dahil aniya rito kung kaya’t nakapagtala lamang ng 0.2% na paghina ang ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng ipinatupad na ECQ simula pa noong Marso.

Subalit aminado rin si Roque na hihina pa ang ekonomiya sa second quarter ng 2020 dahil sa ECQ na ipinatupad sa ilang lugar mula Abril hanggang sa unang linggo ng Mayo.

Gayunman, alerto na aniya ang mga economic planner at nakikita nila ang pagbangon ng ekonomiya dahil na rin sa Build, Build, Build program at maayos na fiscal policy ng gobyerno. (Prince Golez)