Makakontra lang

Kaye Dacer

Tungkulin ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan saan­mang aspeto.

Kaya naman obligasyon ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan na mapabuti ang mga serbisyo at pasilidad ng kanilang nasasakupan.

Subalit sa kasamaang-palad bibihira itong tumugma sa re­yalidad lalo na tuwing panahon ng eleksyon.

May kapangyarihan kasi ang mga nakaupong alkalde na harangin ang mga proyekto ng kanilang katunggali lalo na’t ikababango ito ng kanilang katunggali.

Ito ang kaso sa lungsod ng Malabon kung saan Mayor si ‘Len Len’ Oreta III at katunggali nito sa pagka-mayor ang kanyang Vice Mayor na si Jeannie Sandoval.

Ang siste, may proyekto itong si Vice at kanyang kabiyak na si Cong. Ricky Sandoval na binasbasan pa mandin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay ang House Bill 5791 na panguna­hing inakda ni Cong. Ricky na ang layon ay mapalaki ang San Lorenzo Hospital na mula 10 kasalukuyang bed capacity ay magi­ging 200 at malaon ay tatawaging General Hospital na magbibigay ng de-kalidad at maayos na serbisyong pangkalusugan sa lungsod, bata man o matanda.

Malayong-malayo sa kasalukuyang sitwasyon ng San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital (SLRWH) na pinakamaliit na pampublikong ospital sa Metro Manila.
Ang San Lorenzo ay mayroon lamang 18 doktor at 27 na mga nars, 84% na rin ang overcapacity nito. Mayroon itong masikip at maliit na eskinita na dadaanan papasok sa nasabing ospital, isang sasakyan lamang ang kasya kaya madalas din itong problema ng mga nagdaraang ambulansya.

Dahil dito, nagkaisa ang management ng San Lorenzo, Department of Health, Vice Mayor Jeannie, at Congressman Ricky na maghanap at bumili ng isang bakanteng lote na pagtatayuan ng nasabing ospital.

Natagpuan ito sa Luis Street sa Brgy. Pangulo na personal pang pinuntahan ni Pangulong Duterte noong Enero 29 upang pangunahan ang pagpapasimula ng konstruksyon.

Sa kabila ng pag-apruba at kooperasyon ng mga ahensya, lehislatura at maging ng Pangulo ay nakakita pa rin ng dahilan ang kampo ni Mayor Oreta upang tutulan ang nasabing inisyatibo.

Isang sulat ang ipinadala ng administrator ng kasalukuyang pamunuan ng Malabon na si Voltaire Dela Cruz sa Office of the Presi­dent noong Marso, 2019 at sinabi niya na ang lokasyon na pagtatayuan ng ospital ay hindi madaling madadaanan ng mga residente sa lungsod maging ng mga pampublikong sasakyan at ito ay matatagpuan sa mababa at bahaing lugar.

Ang mga pamilyar sa Malabon at sa San Lorenzo ay may ma­tinding reaksyon sa mga pagtutol dito dahil ang Luis Street ay malawak, mas madaling madadaanan at mapupuntahan kaysa sa kasalukuyang lokasyon ng San Lorenzo na matatagpuan sa pagitan ng Valenzuela at Malabon.

Kaya sa mga mamamayan ng Malabon alam na kung ano ang dapat gawin para maisakatuparan ang mga programang maghahatid sa inyo ng benepisyo.
Sayang ang effort mismo ng Pangulo na tulungan ang Malabon kung may kokontra na wala naman sa ayos!