Makamit nawa ang minimithing kapayapaan

Arangkada na sa Lunes ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na gaganapin sa Oslo, Norway.

Kasabay ng gaganaping peace negotiations ay magkasunod na nagdeklara ng ceasefire ang panig ng CPP-NPA at gobyernong Duterte.

Ang deklarasyon sa unilateral ceasefire ay inanunsyo ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza bago ito bumiyahe kasama ang peace panel patungong Norway kahapon.

Epektibo ang idineklarang unilateral ceasefire ng gobyerno simula kagabi ng alas-12:00 ng hatinggabi at mananatili hangga’t mahalaga para sa pagkamit ng kapayapaan sa bansa kumpara sa naunang pitong araw na deklarasyon ng CPP-NPA.

Sa ganang amin, magkaiba man ang pagtatapos ng deklarasyon ng ceasefire ng magkabilang-panig ang sa amin ay hindi dapat ito maging rason upang hindi makamit ng bansa ang kung ilang dekada nang pagsalang sa negosasyon ng gobyerno at makakaliwang-grupo.

Para sa amin, napakahalagang magpatupad ng tigil-putukan sa pagkakataong ito upang mabigyang-daan ang magandang sitwasyon at maging matagumpay sa gagawing peace negotiations.

Kaya kasama ang sambayanang Filipino ay umaasa kami na hahantong sa positibo ang magaganap na usapang pangkapayapaan.

Katulad ng hangarin ni Pangulong Rodrigo Duterte, kami rin ay umaasam na magsilbing-daan ang magaganap na pag-uusap sa Norway nang tuluyang pagselyo ng pagkakaayos ng gobyerno at mga rebeldeng grupo sa ating bansa.