Nanindigan ang Commission on Human Rights (CHR) na magsasagawa sila ng imbestigasyon kaugnay sa ginagawang pagdampot ng Makati Police sa mga gumagalang transgender women sa lungsod na umano’y dinala sa presinto.
Ito ay matapos maispatan ng mga taga-CHR na mayroong isang miyembro ng Makati Police na nanghuli ng isang transgender woman at dinala sa kanilang police station.
Nang tanungin ang pulis ay sinabing sumusunod lamang siya sa utos ng kanyang nakatataas na umano’y kailangang i-‘profiling’ ang lahat ng makikitang transgender women.
Paliwanag ng CHR na kailangang maimbestigahan ang ginagawa ng Makati Police na kung saan ay nababahala na rin ang kagawaran sa nabistong Facebook page na Scads Makati na gumagamit ng logo ng Makati Police na base sa naka-post noong Enero 23 ay nagsagawa sila ng Oplan X-men sa Burgos, Poblacion, Makati City sa pangunguna ng Station Operations, Women’s Desk, Station Intelligence, at Station and Drug Enforcement Unit, dakong alas-nuwebe nang umaga noong Enero 22, 2020.
Nakasaad pa sa post na mayroong 67 katao na naimbitahan na sa Makati City Police Station para sa tinatawag na ‘profiling’ at pinakawalan din bandang alas-dos nang madaling-araw.
Ang kanila umanong pinaigting na operasyon ay para sagipin ang mga ‘ladyboy’ mula sa exploitation at human trafficking na kumakalat sa kilalang lugar sa Makati.
Pumalag naman ang ilang miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, and Transgender (LGBT) sa pulisya na ito sa Makati na anila’y isang uri ng diskriminasyon.
“We call upon Mayor Abby Binay. This is such a derogatory term for an official police operation. Discriminatory as well. Mag-isip naman kayo,” ayon sa isang reaksyon sa Twitter. (Vick Aquino)