Makati todo higpit: ‘No quarantine pass, no entry’ pa rin sa June

Maghihigpit pa rin ang lunsod ng Makati.

Ito ay dahil kahit isasailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang Makati City ngayong Hunyo 1, ipinag-utos pa rin ni Mayor Abigail Binay sa mga establisyimento na limitahan ang kanilang mga kostumer.

Naglabas si Binay ng ilang panuntunan para sa mga negosyante kung sinu-sino ang maaaring papasukin sa mga magbubukas na establisyimento.

Ani Binay, iyon lang may community quarantine pass, nasa food delivery, health worker at lehitimong mga frontliner ang papayagang makapasok sa mga establisyimento sa Lunes.

Papayagan din ang mga empleyado na bahagi ng operational o skeletal workforce ng kumpanya pero kailangan nilang magpakita ng company ID.

Bawal pa rin ang dine-in sa lahat ng restaurant at food establishment sa Makati at maaari lang ang take-out at delivery. (IS)