Makatotohanang lifestyle check ang gawin sa mga government official

Broadcaster's view-ely-saludar

Inanunsiyo na ng Pre­sidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang paglulunsad ng lifestyle check sa lahat daw ng mga government official mula sa mga presidential appointee at mga elective official.

Ayon kay PACC Commissioner at Spokesman Greco Belgica, lahat daw ng mga government official ay sakop mula sa mga presidential appointee at mga halal na opis­yal tulad ng gobernador at mayor.

Masarap pakinggan ang press release na ito ni Commissioner Belgica para sa mga payer pero ang tanong ay magiging makatotohanan ba ito at sino-sino ang mga uunahin?

Dapat ay maunang imbestigahan ang mga presidential appointee dahil sa pangalan pa lang ng kanilang komis­yon na presidential ay nilikha ng Malacañang pero sasaklawin pa nito ang mga halal na opisyal.

At sino ang uunahing gobernador at mayor na sana ay isama na rin ang mga kongresista gayundin ang mga senador.

Upang hindi makulayan ay makabubuting unahin ng PACC na i-lifestyle check ang mismong mga miyembro ng administration party PDP.

Sa mga lokal na opis­yal ay maraming mabi­bingwit ang PACC na malaking isda na pusakal na magnanakaw sa kaban ng bayan.

Napakaganda ng paliwanag ni Commissioner Belgica na ikukumpara raw sa SALN at ikukum­para raw ang buwanang suweldo sa kasalukuyan ang ari-arian ng mga ito.

Pero aabangan na lang natin na ma­ging makatotohanan at makasuhan at mabawi ang nakaw na yaman mula sa kaban ng ba­yan.

Pero alam naman natin na mahabang proseso ang kakaila­nganin dito at kung sino ang mga perso­nalidad ang mauna sa listahan ng kakasuhan at ipakukulong.

Matagal nang hindi napapansin lalo na ang mga lokal na opis­yal sa napakaraming anomalya sa pondo mismo ng city hall at munisipyo gayundin ang mga proyekto pero walang napaparusahan at naipakukulong na prominenteng personalidad na siyang magbibigay ng ma­lakas na mensahe para sa lahat.