Makatwirang papurihan!

Nasa tamang direksyon ang pagpapatuloy sa kasunduang nabitin sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at pamahalaan — isang napakagandang panimula ng administrasyong Duterte ang paglunsad ng implementing phase ng Bangsamoro Peace Accords sa Malaysia.

Isa sa pinakakritikal na bahagi ang implementing phase ng Bangsamoro peace process — dito magkakaalaman kung ano ang gagawin at kung katanggap-tanggap sa bawat kampo ang nakapaloob sa kasunduan.

Ang mga Bangsamoro’y kadugo sa isang lahing pinaghiwalay ng pananakop at pananamantala — ito’y napakahirap ipaintindi sa mga bagong sibol at ngayon lamang ipinanganak dahil lingid sa kanilang kaalaman kung gaano kalawak ang problemang pinagdaanan ng mga taong nakibaka at nagbuwis ng buhay, mapa-MILF o militar.

Bagama’t hindi naipasa sa nakaraang 16th Congress ang Bangsamoro Basic Law (BBL), hindi maitatanggi ng kahit sinong kritiko ni dating Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kung paano pinagsunugan ng kilay para maisakatuparan ang unang hakbang tungo sa hinahangad na kapayapaan sa Mindanao.

Hindi naging madali ang daang tinahak ng administrasyon ni PNoy bago nabuo ang BBL; kung paano napapayag bumaba sa kapatagan at tumuntong ng Malacañang ang mga lider ng MILF; kung paano sinalag ang mga batikos sa gitna ng Mamasapano incident.

Ipinakita ni PNoy sa pamamagitan ng BBL ang pagkakaroon ng pag-asang maisakatuparan ang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao kung magtutulungan at maging bukas lanang ang isipan ng bawat isa, katulad ng ginawa ng pamahalaan.

Tiwala ang naging puhunan ng administrasyon ni PNoy sa MILF kung kaya’t naabot ang bahaging ito na ngayo’y dapat din nating ipagpasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil itinuloy ang nakabiting usapin o kasunduan.

Dahil sa tiwalang ito, hindi nahirapan ang kasalukuyang administrasyon na marating ang usaping pangkapayapan at nagsisilbi itong matibay na pundasyon sa paglunsad ng implementing phase na isinakatuparan sa Malaysia.

Umabot sa 17-taong negosasyon bago nagkaroon ng kasunduan ang gobyerno at MILF kaya’t maramiang hindi makapaniwalang magagawa ni PNoy sa maikling panahon ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) noong Marso 27, 2014.

Sa halip paninira at kritisismo, makatwirang papurihan ang mga katulad nina dating Presidential Adviseron Peace Process Sec. Teresita Deles, Government Peace Panel chairperson Prof. Miriam Coronel-Ferrer at MILF chief peace negotiator Mohagher Iqbal at iba pang opisyal — dahil kung wala ang pangalan ng mga taong ito, malamang walang pinag-uusapang peace accord sa Malaysia ang kasalukuyang administrasyon.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:follow@dspyrey)