Makeup artist inuutangan na rin ng female personality

Makeup artist inuutangan na rin ng female personality

MARAMING kaibigan at nakasama nang mahabang panahon ng isang pamosong female personality ang nagpapatunay na napakataas ng kanyang pride.

Walang makapagtutulak sa kanyang magpakumbaba kung kinakailangan. Kahit siya na ang mali ay nagpapairal pa rin siya ng pride. Hindi siya marunong mag-sorry.

Pero nagkakaisa ang kanyang mga kaibigan na nawasak ang mataas na pride ng pamosong female personality nang magbago na ang estado ng kanyang buhay at career.

Kuwento ng isang matagal niyang nakasama, “Itinapon niya na ang pride. Nawala na ‘yun. Ganu’n pala ang taong ma-pride kapag nagipit na, isusuka na niya ang lahat-lahat!

“Kung gaano kataas ang pride niya nu’n, e, biglang bagsak naman ngayon. Nilunok na niya ang pride, hindi na siya nahihiyang lumapit ngayon sa iba-ibang tao para makapangutang siya!

“Grabe ang nangyari sa pride niya nu’n, hindi lang basta nawala, sumayad pa nang sobrang sayad na sayad! Pati ba naman make-up artist, e, nauutangan na rin niya?

“Ang mga fans niya, inuutangan niya na rin, kahit sinong puwedeng magpautang sa kanya, go na lang siya nang go!” napapailing na kuwento ng source.

Naisip siguro ng pamosong babaeng personalidad na hindi lang laway ang nilulunok – ang pride din.

Kalokah!

Burarang aktres kinaiinisan ng alalay

NU’NG minsang nanonood ng TV ang isang source ay bigla nitong sinabi, “‘Yang babaeng ‘yan? Napakaburara niya! Inis na inis sa kanya ang mga naging PA niya dahil sa sobrang kaburaraan niya!”

Mukhang malinis naman sa katawan ang magandang aktres, maayos naman siyang manamit, paano siya magiging burara?

Komento uli ng impormante, “Grabe siya! Pinagsasama-sama niya ang malilinis at marurumi niyang damit! Kaya nga naiinis ang alalay niya, e!

“Inaayos na mabuti nu’ng PA ang mga kagamitan niya, pero kapag siya na ang gumagalaw, nagkakasama-sama na naman ang marurumi at malilinis!

“Deceiving ang itsura niya, mukhang malinis lang siya, pero burara talaga ang babaeng ‘yan!” sabi pa ng source habang umaarte sa isang serye ang female personality.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Bea ginagamit si Richards

PANALUNG-panalo ang eksenang pinagsaluhan nina Alden Richards at Jean Garcia sa The Gift nang sa wakas ay buksan na ni Nadia ang rebelasyon na anak nito si Sep.

Tunog nang tunog ang aming telepono, halu-halo ang reaksiyong tinanggap namin, may tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nagkaalaman na ng katotohanan at may umiiyak naman dahil nadala sa husay sa pagganap nina Jean at Alden.

Dalawang gabi na nga lang at tapos na ang serye, gising na si Aling Strawberry, inaabangan na ng publiko ang pagkakulong ng magkaescabecheng Christian Vasquez at Rochelle Pangilinan.

Natutuhan na talaga ni Alden ang tamang timpla ng pag-atake ng madadramang tagpo. Walang pag-arteng peke, puso niya ang nagsasalita, naitatawid niya nang mapuso ang kanyang mga eksena.

Habang kapuri-puri si Alden Richards sa kanyang pagganap ay buhos naman ang pagdating sa kanya ng suwerte. May TVC sila ni Nadine Lustre, meron din sila ni Bea Alonzo na kinunan pa sa Thailand, pero may mga walang magawa na nagsaksak ng kontrobersiya sa pagsasama nila ni Bea.

Ginagamit lang daw ng magandang dalaga ang Pambansang Bae, kailangan daw nito si Alden para muling magningning ang kanyang karera, nagpapakilala ang mga nanggugulo na mga tagasuporta ng aktor.

Gusto nilang linawin na wala silang kinalaman sa mga nagaganap, alam nila ang katotohanan na matagal nang may napatunayan si Bea Alonzo, kaya wala silang dahilan para sabihing ginagamit lang ng dalaga ang kanilang idolo.

Sadyang may mga taong hindi masaya sa tagumpay ni Alden Richards. Kahit ano na lang ay gagawin ng mga ito para sirain ang imahe ng binatang aktor pero sorry na lang sila dahil panahon ngayon ng Pambansang Bae.