Makinig sa abiso para hindi maperwisyo!

Hindi pa rin nareresolba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isyu sa Transportation Network Vehicle Services (TNVS).

Kaya naman umapela si LTFRB Chairman Martin Delgra sa publiko na tigilan na muna ang pagpasok sa operasyon ng TNVS sa gitna ng mga kontrobersyang kinasasangkutan nito hangga’t hindi napaplantsa ang mga gusot.

Dapat ay aarangkada na ang crackdown ng LTFRB laban sa mga Grab at Uber drivers na walang prangkisa o Certificate of Public Convenience (CPC) subalit ipinagpaliban ang panghuhuli dahil sa nakabinbing mga mosyon patungkol sa usapin.

Mabuti naman at inawat na ng LTFRB ang mga kababayan ­nating nagkakainteres na pumasok na rin sa negosyo ng TNVS dahil sa kinakaharap ngayong problema.

Para sa amin, hindi sana lumala ng ganito ang problema o ­dumami ang mga kolorum na TNVS kung tinutukan nila ang pagsulputan ng ganitong uri ng transportasyon.

Ang problema sa LTFRB, ngayon lamang sila umaksyon kung saan dumaming tila kabute ang mga nasa ganitong uri ng negosyo na hindi dapat nangyari kung naging istrikto lamang sila at talagang ­ipinatupad ang tunay na layunin ng pagkakatatag ng TNVS.

Ang hirap sa LTFRB ngayon­ lamang yata nakulele ang mga tainga nang mag-ingay ang mga nagta-taxi na umaalma sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga namamasada sa Uber at Grab.

Kaya ngayong inawat na ng LTFRB ang publiko sa pagpasok sa linya ng TNVS dapat ay makinig ang publiko upang hindi mabiktima ng ilang mapagsamantalang tauhan ng LTFRB na nagpapalabas ng kung anu-anong kuwento maipagpatuloy lamang ang ilegal na aktibidades.

Hindi na nagkulang sa aming palagay ang LTFRB sa kanilang tungkulin na proteksyunan ang mga kababayan nating naghaha­ngad na magnegosyo sa TNVS sa ipinalabas na paalala, kaya dapat lamang na tumalima para hindi mabiktima.