Makunat na aktres nilayasan ng abogado sa annulment case

bubwit-ni-deo-macalma

DEO MACALMA

Ang petmalu pala ng aktres sa malaking TV network na nagsusulong ng petition for annulment of marriage nila ng kanyang asawa na nahuli nyang may ibang babae.

Ayon sa aking bubwit, nakasentro ang petition for annulment ni aktres na siya’y psychologically incapacitated para ituloy ang buhay may asawa. Dahil dito ay kailangan niya ng mga ekspertong magpapatunay na may diprensya siya sa isip at asal na nakaaapek­to sa relasyon niya sa mister.

Ang patunay na gagawin ng mga ekspertong kukuhanin ni aktres ay gagawa ng deklarasyong ihaharap sa husgado at magbibigay din sila ng testimonya sa open court na siguradong susuriin at kukuwestiyunin ng mga abogado ng kabilang panig at ng abogado ng gobyerno o Office of the Solicitor General.

Ito ang petmalu mga pare at mare. Ayaw bumunot ni aktres ng perang pambayad sa kukuhaning mga eksperto para sa kanyang petition for annulment of marriage. Eh paano ‘yan mam walang libre sa mundong ibabaw.

Alam nonyo ang gustong mangyari ni actress? Pinangakuan niyang pasisikatin o ipo-promote ang experts na tutulong sa kanya sa korte. Dalawa o mahigit pang mga eksperto ang kailangan ni actress para sa mga bis­ta sa korte, lawyer, clinical psychiatrist at iba pa.

Ayon sa aking bubwit, sinabihan ni actress ang kinausap niyang lawyer at clinical psychiatrist na, “I will not pay you BUT I will make you shine”.

Sabi ng aking bubwit, nagulat ang ka-meeting ni actress na batikang abogado at clinical psychiatrist na imbes professional fee ay promotion at endorsement ang iba­bayad sa kanila ng celebrity at sa huli ay tinanggihan nilang katawanin ang actress sa annulment petition nito.

Ang actress na ayaw bumunot ng pambayad sa kukuhaning mga eksperto para sa kanyang petition for annulment of marriage ay isang maliwanag na mi­yembro ng Kapuso network.