Hinikayat ni Senador Joel Villanueva ang Department of Transportation (DOTr) na baguhin o i-improve ang disenyo ng modern Public Uti­lity Vehicle (PUV) ng Toyota na iniendorsong maging kapalit ng pampasaherong jeepney.

“Hinihikayat natin ang DOTr na patuloy na pag-aralan pa ang modern public utility vehicle na napabalita kamakailan,” sabi ni Villanueva.
“Makakatulong sa pag-improve ng design ang mga suhestyon ng ating mga kababayan upang mas mapaganda pa ang kasalukuyang itsura nito,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Villanueva ang pahayag matapos pintasan ng mga netizen ang bagong labas ng modern PUV na anila’y ‘chaka’, ‘dugyot’ at pangit na disenyo ng dyip na mistulang karo umano ng patay.

Sabi ni Villanueva, dapat maging kompor­table ang mga pasahero sa bagong dyip kaya’t mainam na pakinggan ang puna ng publiko sa disenyo ng naturang PUV.

“Napakahalaga na komportable ang ating mga pasahero kaya mainam na pakinggan ang mga puna tungkol sa design ng modern public uti­lity vehicle,” ani Villanueva.

Ayon sa DOTr, ang Hilux Class Modern PUV ay isang airconditioned 12-seater vehicle na may CCTV, GPS at dashboard camera na nagkakahalaga ng P998,000 kada unit.

Magugunita na umani ng sari-saring pintas mula sa publiko ang bagong PUV na kapalit ng jeep.

Ayon sa mga comment, parang karo ng patay ang design at ang sliding door nito ay accident prone lalo na sa mga motorsiklo. Masyado rin umanong makitid ang sasakyan na pahirap sa mga bagahe ng mga sumasakay. (Dindong Matining/Dolly Cabreza)