Mula sa naipasang panukalang batas hanggang sa pagpapasinaya sa bagong eskuwelahan.
Aangat na nang lubusan ang mga estudyante sa Malabon dahil sa pagpapasinaya ng kauna-unahan at bagong Science and Mathematics High School sa Malabon National High School sa Barangay Hulong Duhat.
Sa pangunguna ng may-akda na si Congressman Ricky Sandoval at sa suporta ni Vice Mayor Jeannie Sandoval, naging posible ang paggawa ng isang eskuwelahan sa Malabon na huhubog sa talento ng mga kabataan na magagaling at nais pang mahasa sa Science, Technology, and Mathematics o STEM.
Ang pagpapasinaya ng Science and Math High School ay sa ilalim ng naipasang batas ni Congressman Sandoval na Republic Act 11007 o “An act establishing a National Science and Mathematics High School in Barangay Hulong-Duhat, City of Malabon to be known as Malabon City National Science and Mathematics High School.”
Kabilang sa mangunguna sa naturang inagurasyon sina Schools Division Superintendent Dr. Helen Grace Go, Congressman Sandoval, Vice Mayor Sandoval, mga konsehal sa Distrito, at iba pang kasama sa lokal na pamahalaan.
Bukod sa pagpapatayo ng isang Science and Mathematics High School, may puwang na rin ang curriculum ng ating senior high schools para sa technical-vocational courses (techvoc) gaya ng maritime courses. Sa pagkakaroon ng pampublikong Maritime High School sa Santiago Syjuco Memorial High School, mas mapapalapit na ang pagmamarino sa mga taga-Malabon at kahit graduate pa lamang ng senior high ang mga estudyante ay employment-ready na ito sa maritime industry. Mas marami nang seaman o marino ang makakapagtrabaho sa ibang bansa at maipagmamalaki.