Malabon ang siyudad sa Metro Manila na nanatiling mataas ang growth rate ng pagdami ng kaso ng COVID 19,ayon sa pag-aaral na isinagawa ni Dr. Benjamin Co, isang infectious diseases expert. Ito ay nailathala sa ANC Online, Mayo 9, 2020.
Batay kay Doctor Co, 4% ang growth rate ng Malabon sa kaso ng coronavirus kumpara sa ibang lungsod na may mas mababa sa pa sa 2% na growth rate ng nagkakaroon ng COVID-19 cases.
Mabagal ang lokal na pamahalaan sa pagtugon ng Malabon para maiwasan ang pagdami ng kaso ng COVID 19. Hindi na nakakapagtaka ang ganitong balita sapagkat sa ‘yan din ang obserbasyon at sentimyento ng mga residente ng Malabon, sa mga survey, at sa balita sa telebisyon.
Katulad na lamang ng pagsagawa ng mass testing, sa kaso ng front liners sa mga pagamutan at mga barangay na magpahanggang-ngayon ay hindi pa nate-test.
Isa pa ay ang paurong na pag-implementa ng ordinansa na salungat sa mga guidelines na ipinalabas ng IATF, halimbawa na lang ang pagtatalaga ng window period sa pamimili.
Nagdulot ito ng pagkukumpulan sa mga pamilihan kung kaya ang “social distancing” ay hindi na nasunod. Ang mga opisyales ng barangay katulad ng kapitan ng Barangay Concepcion ay humiling na huwag ng ituloy ang nasabing “window period” sa pamamalengke.
Nitong mga nakaraang araw naman ay naibalita ang pamamahagi ng SAP benefits sa Barangay Tonsuya, Malabon kung saan ay dumagsa ang mga benepisyaryo at muli na namang nabalewala ang “social distancing”.
Kahit na may kumpulan at umpukan ng social amelioration program (SAP) beneficiaries sa distribution sa lungsod, batay sa datos ay isa ang Malabon sa pinakamabagal sa buong Metro Manila sa pamamahagi ng ayuda na mula sa pamahalaan.
Nagtuturuan ang city hall at barangay kung sino ang may problema.
Kaya nagkukumahog sila sa araw ng Linggo sa deadline na ibinigay ng DILG at DSWD.
Ano ang nangyayari sa pamahalaang lokal ng Malabon? Tila baga hindi na nila napaninindigan ang kanilang battle cry na “Kaya Naten” mukhang hindi naten kaya mga ateng?
Sa mga lumabas na artikulo na sumusukat sa “performance” ng lokal na pamahalaan sa pag-aksyon ukol sa COVID 19 pandemic ang siyudad ay paulit–ulit na nangungulelat.
Ilan sa mga ito ay ang inilathalang performance ng mga LGU pagdating sa SAP distribution, ang survey na isinagawa ng Publicus Asia patungkol sa approval rating ng COVID 19 response ng mga Mayor sa Metro Manila.
Ang mga nasabing impormasyon ay naglalarawan ng pagkukulang ng kasalukuyang Mayor ng Malabon.
Ayon sa mga residente, simula pa lang nang unang linggo ng ECQ ay hindi na nagpapakita o nararamdaman ang presensiya ni Mayor Oreta.
Mayor, itutuloy ba naten ang kawalang kakayanang mamuno? Isandaang porsiyento nga ba ang pagmamahal nyo sa Malabon?
Sabi nga paanong magkakaroon ng kakayanang sumunod ang mga mamamayan sa mga kautusan, kung ang mismong liderato ay walang kakayanan mamuno.
Kulang sa gawa, sobra sa papogi sa FB?
Sa mga susunod na araw naman ay atin ding tatalakayin ang iba pang LGU sa NCR na patuloy na nagpapamalas ng kawalang kakayahang pamunuan ang kanilang nasasakupan para naman makastigo ng DILG.