Nangunguna na ang Malabon City sa kampanya kontra iligal na droga sa buong Metro Manila matapos dagdagan ng komiteng pinangungunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Lunes ang kabuuang bilang ng ‘drug-cleared’ barangays na ngayon ay nasa labinlima o mahigit 71% na ng lungsod.
Ayon sa PDEA, kabilang na sa mga ‘drug-cleared’ barangay ang Acacia, Catmon, Bayan-bayanan, Maysilo, Santulan, at Tugatog, bilang resulta ng walang humpay na kampanya ng pamahalaang lungsod kontra iligal na droga, sa pamamagitan ng City of Malabon Anti-Drug Abuse Council, PDEA, at Philippine National Police (PNP).
Nauna nang idineklara ng PDEA ang Brgy. Dampalit, Muzon, Ibaba, Niugan, San Agustin, Baritan, Flores, Concepcion, at Panghulo bilang drug-cleared barangays, habang 100% drug-free workplaces na ang lahat ng 21 barangay sa Malabon.
Nagpahayag na rin si Malabon City Mayor Lenlen Oreta na layunin niyang gawing isa sa mga kauna-unahang 100% drug-cleared cities ang Malabon sa buong Metro Manila sa kabila ng mga paninira ng ilang panig sa pangalan ng lungsod.