Inamin ng Malacañang na mabagal ang pag-usad ng COVID-19 mass testing dahil nagkaroon ng pagkaantala sa pagsusulong nito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi nakamit ang target na 8,000 test kada araw ng Department of Health (DOH) pero tinitiyak nito na babawi sila sa mga susunod na araw.

Ito aniya ang dahilan kaya itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bases Conversion and Development Authority (BCDA) president at CEO Vince Dizon para magtatag ng maraming testing facility.

Matatandaang itinalaga ng Pangulo si Dizon bilang deuty chief ni Secretary Carlito Galvez Jr. na siyang chief implementer ng National Police against COVI19.

“Hindi ko madi-dispute na medyo hindi natin nakamit `yung goal na byApril 30 mayroon ng eight thousand na daily testing ang DOH, na-delay po tayo. Pero one thing that I can assure you is we are taking steps to increase our testing capacity,” ani Roque.

Sa ngayon, sinabi ng kalihim na mayroon ng 28 testing center ang DOH, kabilang na dito ang mega swabbing facility at target na makagawa ng 30,000 test kada araw.

Sinabi pa ni Roque na aasahan nila sa mga susunod na araw na tataas pa ang target para sa mass rapid testing ng hanggang 2.2 million para matukoy kung nasaan ang hindi nakikitang kalaban.

“Ninanais natin ang 90,000 PCR tests ang magagawa ar ang gobyerno alone is aiming for 2.2 million rapid test kits. So combined, we are hoping that we will eventually upgrade and improve our testing capacity,” wika pa ni Roque.

Nauna rito, pinuna ni Senador Sherwin Gatchalian ang mabagal na pagkilos ng gobyerno sa pagsusulong ng mass testing sa mga local government unit kaya nabigo na mapigilan ang pagkalat ng coronavirus sa bansa. (Aileen Taliping)