Malacañang bukas sa photoshoot ng publiko

Bukas ang Malacañang para sa lahat ng gustong mag-pictorial­ sa anumang okasyon.

Ito ang tiniyak ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar bilang reaksyon sa mga buma­batikos sa pictorial ng apo ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Isa­belle para sa kanyang debut.

Ayon kay Andanar,­ bukas ang Palasyo sa sinumang gustong mag-photoshoot basta­ magpaalam lamang nang maayos tulad ng pangako ni Pangulong Duterte noong maupo siya sa puwesto.

Kinontra rin ni Andanar ang mga nagsa­sabing nalagay sa pelig­ro ang seguridad ng pamahalaan dahil sa pictorial dahil inilantad nito ang loob ng Palasyo.

Muli ring iginiit ni Andanar na walang ginastos ang pamahalaan sa pictorial at debut ng apo ng Pangulo dahil kaya naman ng pamil­ya nito na tustusan ang birthday party nito.

Nitong Linggo ay hindi itinago ni Pangulong Duterte ang pagkairita sa tinanggap na puna ng mga kritiko at bashers sa social media ng kanyang apong si Isabelle na nag-photoshoot sa Malacañang para sa debut nito sa Enero 2018.

Sinabi ng Pangulo na maliit na bagay ito pero pinalaki ng kanyang mga kritiko para lang makabanat sa kanya.

Wala aniya siyang nakikitang masama sa pictorial ng apo dahil kadugo niya ito at kahit naman sino ang mapadpad sa Malacañang ay nagpapakuha ng litrato.

“Ano ba naman ‘yan, kadugo ko ‘yan eh. Small matter, gamitin lang ‘yung Malacañang.

Wala naman ako doon. But even if I was there, itong grand daughter ko magpa-picture, lahat nga ng mga bisitang pumupunta diyan nagpapa-picture eh,” pahayag ng Pangulo.

Si Isabelle ay anak ni Davao City Vice Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte, sa isang Maranaw na si Lovely Sumera.