Malacañang: Hintayin ang desisyon ng SC sa ABS-CBN

Karapatan nila at hintayin natin ang magiging desisyon ng Supreme Court (SC).

Ito ang pahayag ng Malacañang matapos maghain ng petisyon sa SC ang ABS-CBN laban sa cease and desist order na inisyu ng National Telecommunications Commission (NTC) na nagpapatigil sa kanilang operasyon.

“That’s their right. Let’s await decision of the Court,” maikling tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Matatandaang una nang sinabi ni Roque na Kongreso lamang ang maaaring magpasya hinggil sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa kanilang franchise renewal.

Nanawagan din ito sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na bumoto batay sa dikta ng kanilang konsensya hinggil sa magiging kapalaran ng franchise renewal ng ABS-CBN.

Nitong Huwebes, Mayo 7, inihain ng ABS-CBN ang petisyon sa SC para hilingin na maglabas ito ng temporary restraining order sa naturang aksyon ng NTC.

Martes ng gabi nang mag-off the air ang ABS-CBN matapos silang atasan ng NTC na itigil ang kanilang broadcast operation dahil nagpaso na ang prangkisa ng Kapamilya network noong Mayo 4, Lunes. (Prince Golez)