Asahan na ang mas istriktong pagbabantay sa mga lansangan bunsod ng ipakakalat na pulis at militar kaya naman ngayon pa lamang ay nagpauna na ang Palasyo ng Malacañang sa paghingi ng pang-unawa sa dagdag abala na daranasin ng publiko.
“Kaunting paunawa lang. May kaunting inconvenience dito pero para sa atin din po ito,” apela ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa isang panayam kahapon patungkol sa inilabas na guidelines ng Presidential Proclamation No. 55 (Declaring a State of National Emergency on Account of Lawless Violence).
Ipinaliwanag din ni Medialdea na wala naman itong magiging epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga ordinaryong Pinoy.
“Wala naman po (implikasyon) except for some… probably some discomfort po o tawag nito maabala ng kaunti, matse-checkpoint. Walang mga… at best ganoon po. Safeguard naman po para sa kabutihan ng lahat po,” ayon sa Palace official na kasalukuyang umaaktong caretaker ng Pilipinas habang dumadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa ASEAN Summit sa Laos.
Dinagdag ng opisyal na kasama sa mga hihigpitan ang seguridad ay ang lahat ng mga paliparan at pantalan sa bansa.