Naghahanap na ang Malacañang ng magiging bagong governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para ipalit sa pumanaw na si Governor Nestor Espenilla, Jr.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na dalawang pamantayan lang ang hinahanap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa hihirangin nitong susunod sa BSP governor.
Tinukoy ni Panelo ang pamantayan ng Presidente na dapat taglayin ng isang susunod na BSP president, at ito ay integridad at kakayahan.
“Dalawa lang naman ang palagi niyang sinasabi: integrity and competence,” ani Panelo.
Tiwala ang Malacañang na kung sino man ang papalit sa puwesto ni Espenilla ay ipagpapatuloy ang mga magagandang nagawa nito.
Noong Miyerkoles ay personal na bumisita si Pangulong Duterte sa burol ni Espenilla sa Heritage Park, Taguig City para ipaabot sa pamilya Espenilla ang pakikiramay sa mga ito.
Si Espenilla ay pumanaw sa edad na 60 dahil sa pakikipaglaban sa sakit na kanser.