Kinontra ng Malacañang ang mensaheng nais palabasin ng batikang director sa pelikula na si Mike de Leon sa kanyang limang minutong palabas na nagdedetalye sa tatlong taon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, karapatan ni De Leon na magsalita at kinikilala ang karapatan nito pero mali aniya ang pananaw nito sa Duterte administration.

Ang short video, aniya, ni De Leon ay nabuo sa maling persepsiyon sa Duterte administration.

“Well it’s his right to speak. We recognize that as a right. But, we will refute his allegations,” ani Panelo.

Ang video ni De Leon na may pamagat na “Kangkungan (Rodrigo Roa Duterte: A Portrait of the Dictator as a Filipino)” ay naglalaman ng mga detalye patungkol sa war on drugs, pagiging malapit sa China, relasyon ng Pangulo sa mga Marcos at ang panggigipit umano sa mga miyembro ng oposisyon na kumakalaban sa kanya.

Inilabas ang video ng batikang direktor noong February 24, 2019 at umapela sa mga Filipino na piliing mabuti ang mga iluluklok sa darating na eleksyon dahil nakasalalay umano ang kanilang boto sa kinabukasan at buhay ng sambayanan.