Malacañang umapela sa media sa drug war

Umapela ang Malacañang sa media na tutukan ang anti-illegal drug war ng Duterte administration.

Kaakibat ito ay nanawagan din sa taumbayan ang Palasyo na makiisa sa kampanya kontra ilegal na droga.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar na malaki ang papel ng mass media sa pagpapanatili ng check and balance sa mga aktibidad ng pamahalaan partikular sa drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sec. Andanar,­ hindi minamasama ng Malacañang ang pagiging kritiko ng media sa layuning mailahad sa publiko ang tunay na ­datos ng resulta nang walang humpay na kampanya ng gobyerno kontra sa ilegal na droga sa bansa.

Nilinaw ni Sec. Andanar na maging ang papel ng Human Rights sa pagbabantay sa karapatan ng publiko ay nirerespeto ng Palasyo.

Naniniwala ang Duterte administration na hindi madali ang laban kontra sa ilegal na droga at kailangan ang suporta ng bawat Filipino dahil hindi lamang ito laban ni Pangulong Duterte kundi laban ng gobyerno upang protektahan ang mamamayan mula sa illegal drugs.

Idinagdag pa ni ­Andanar, pinatunayan ni Pangulong Duterte ang political will nito upang tapusin ang problema sa illegal drugs na kabilang sa kanyang campaign promise.

Sa katunayan, batay pa kay Andanar ay umaabot na sa P120 bilyon ang pagkalugi ng mga sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga.

Dinagdag pa ng PCO chief na dapat ding mapagtuunan ng pansin ang ­reporma sa criminal judicial system upang matiyak ang ganap na tagumpay sa war on drugs.