Malacañang: Utak ng Cotabato mall bombing tugisin

Tiniyak ng Malacañang na mananagot kung sino man ang may kagagawan ng pagsabog sa isang mall sa Cotabato City na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa katao habang mahigit 20 iba pa ang sugatan noong bisperas ng Bagong Taon.

“Authorities are already investigating the incident. In the meantime, we call on everyone not to speculate as this may only sow unnecessary fear and panic among our people. We vow that we will get to the bottom of this at the soonest possible time,” ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Nangako ang Malacañang na tututukan ang im­bestigasyon sa naganap na pagsabog para maaresto at mapanagot kung sino man ang may kagagawan nito.
Kasabay nito, umapela ang Malacañang na iwasan ang ispekulasyon sa naganap na pagsabog sa isang mall sa Cotabato City para hindi magdulot ng takot at panic sa publiko.

Sinabi ni Panelo na nalungkot sila sa insidente at nakikiramay ang Palasyo sa mga pamilya, kamag-anak at kaibigan ng mga naging biktima ng pagsabog.
“We are extremely saddened by the explosion that took place in Cotabato City. We empathize with the fami­lies, relatives and friends of those who suffered from this unhappy occurrence,” ani Panelo.

Inihayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Chief Supt. Benigno Durana na batay sa resulta ng kanilang imbestigasyon, na maaa­ring kagagawan ng mga local terror group ang pagsabog sa South Seas Mall na matatagpuan sa Don Rufino Alonzo Avenue, Poblacion 5, Cotabato City mag-aalas-dos nang hapon bisperas ng Bagong Taon.

Tinitingnan ng pulisya ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at iba pang grupo na posibleng may kagagawan ng bomb attack. (Aileen Taliping)