Malacañang walang paki sa hirit na dagdag-sahod sa pribado

malacañang-palace

Walang  plano ang  Malacañang na hili­ngin sa  Kongreso na  ipasa at  ipatupad ang matagal ­nang hinihinging across the board wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa  harap  na rin  ito  ng panawagan  ng  mga  obrero na  bigyan din sila  ng  gobyerno ng  kaun­ting  pag-asa  kagaya  ng  ginawa ni Pangulong  Rodrigo Duterte  na  pagtataas sa  sahod  ng  mga  pu­lis at sundalo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, mayroong  sistemang umiiral sa gobyerno na ang Regional Wage Boards (RWG) na ng Department of Labor ang nagtatakda ng dagdag o umento sa sahod ng mga nagtatrabaho sa mga pribadong kumpanya.

Kung  nais  aniya  ng  mga obrero ng  umento sa sahod, hinimok ni Roque ang mga ito na  maghain ng petisyon para sa mas mataas na  take-home pay.

“Meron  po tayo ngayong sistema na Regional Wage  Boards. Kung  nais  po nating  magpetisyon para sa mas mataas na  daily wage, puwede  pong  gawin ‘yan sa mga Regional Wage  Boards,” ang  maiksing pahayag ni Roque.

Matatandaang ma­tagal nang inaasam ng  mga manggagawa sa pribadong sektor ang  across the  board  wage  increase  subalit  hindi nakakalusot sa Kongreso dahil maraming mga mambabatas  ang  nagmamay-ari  ng mga pribadong ­kumpanya.

Sa kasalukuyan ay P512 ang minimum wage na tinatanggap ng mga manggagawa sa ­pribadong sektor sa Metro Manila at iba pang  pangunahing lungsod sa bansa.