Malaki ang nakataya sa laban ni boxing icon at Sen. Manny Pacquiao sa Amerikanong si Jessie Vargas ngayong Nobyembre 5.
Bukod sa korona ng World Boxing Organization (WBO) welterweight division na hawak ni Vargas, habol ni Pacquiao na maging kauna-unahang senador na nanalo sa isang title fight.
“Isa iyan sa misyon ko,”wika ni Pacquiao nang matiyempuhan kahapon sa session hall ng Senado.
Wala nang ibang gustong patunayan si Pacquiao dahil siya lang ang natatanging nakakuha ng korona sa walong magkakahiwalay na dibisyon. Tinalo din niya ang mga boksingero na itinuturing na magiging legend sa professional boxing.
Hindi rin inalintana ni Pacquiao kung magkano ang kikitain niya sa laban kay Vargas.
“Hindi ko pa nga alam kung magkano kikitain ko,”wika ng senador.
Kapuna-puna ang pagpayat ni Pacquiao dahil sa isinasagawang heavy workout sa Elorde Gym sa Pasay City na malapit lang sa Senado.
“Pumayat ako dahil sa sobrang init dun sa gym, sobra yung lumalabas na pawis kaya binabawi ko sa pagkain ng marami,”paglalahad ng Pambansang Kamao na lalaban sa 147 pound division.
Sa Sabado ng gabi ang lipad ni Pacquiao patungong Los Angeles upang doon ipagpatuloy ang light workout bago dumiretso ng Las Vegas.