Walang sinumang hindi maiinis o magagalit sa pambibiktima sa mga biktima ng super typhoon Yolanda dahil sa klase ng bahay na ipinatayo para sa kanila ng gobyerno gamit ang pondo ng bayan.

Kung totoong mas matatatag pa ang piggery ni Leyte Rep. Ching Veloso sa bahay na ipinatayo para sa mga biktima ng Yolanda na ginastusan na ng P60 Bilyon eh talagang mayroong anomal­yang nangyari dito.

Pinondohan na ng nakaraang administrasyon ang pabahay para sa mga biktima ng Yolanda ng P72 Bilyon at nagastos na raw dito ay P60 Bilyon pero nang puntahan ng House committee on Hou­sing and Urban Development na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez ang hou­sing projects sa Samar ay dismaya ang sumalubong sa kanila dahil lumalabas na substandard ang materyales ng pabahay.

Sabi nga ni Samar Rep. Ben Evardone, nabiktima na ng bagyo ang kanyang mga kababayan ay nabiktima na naman sila at tingin niya kapag may dumating na isa pang bagyo ay tutumba ang mga pabahay ang itinayo.

Nakaligtas nga sila sa bagyo pero delikado naman sila sa bahay na titirhan nila. Saan ka nakakita na ipinagbabawal sa mga nabigyan na ng pabahay na magpako sa kanilang dingding kung tala­gang matatag ang mga itinayong bahay.

Marami raw tuloy ang ayaw tumira sa mga naitayong pabahay dahil baka ito pa ang magpahamak sa kanila kapag may malakas na bagyong darating kaya ayaw ng mga biktima ng Yolanda ang nakipagsapalaran.

Ito ang problema sa mass housing eh, porke mahihirap ang nakatatira ay bara-bara na ang paggawa. Hindi nila iniisip na babayaran ng mga tao ang bahay na ginagawa ng gobyerno para sa kanila.

Malaki ang pagkukulang dito ng National Housing Authority (NHA) dahil hindi pinapasya­lan at regular na tsinetsek ang mga housing pro­jects kaya nakakalusot ang mga substandard materials. Marami ding dapat sagutin ang kontraktor ng mga pabahay na ito sa Samar.

Ang malupit pa, nailabas na raw ng P60 Bil­yon pero hindi pa nakukumpleto ang mga bahay na ipinatayo, kaya nanganganib ito sa plunder case na dapat lang dahil hindi puwedeng walang managot sa anomalyang ito.

Kung hahayaan ito at walang managot, magpapatuloy ang ganitong gawain dahil iisipin lang ng mga gagawa pa ng anomalya, wala namang nakukulong dahil hindi naman seryoso ang gobyerno na sila’y panagutin.

Apat na taon na sa Nobyembre ang Yolanda pero hindi pa tapos ang proyekto at marami pa sa mga biktima ang nasa temporary housing na itinayo ng nakaraang administrasyon.

Mauunawaan ko sana ang delay kung walang budget pero nandyan na ang budget, nairelis na ang budget kaya walang dahilan para hindi agad maitayo ang mga pabahay. (dpa_btaguinod@yahoo.com)