Malaki ang puso

MRS. CARIÑOSA
Marou Pahati Sarne

Kapag maawain, matulungin at mapagmahal, ang tawag sa ganitong tao ay may malaking puso. Pero literal ding lumalaki ang puso ng tao, na mas malaki pa kaysa sa ating kamao. Ang tawag dito ay cardiomegaly.

Bakit nga ba lumalaki ang puso? Nakausap ko si Dr. Enrique del Fuerte, isang cardiologist, at sinabi niyang lumalaki ang puso dahil sa pagtaas ng presyon ng dugo at bunga ng sakit sa puso tulad ng coronary artery disease.

Puwede ring lumaki ang puso ng may problema sa thyroid, kidneys, may kanser at virus tulad ng HIV at dengue. May mga inpeksyon din na maaaring maging dahilan ng paglaki ng puso.

May mga antibiotics din na maaaring magpalaki ng puso tulad ng sulfonamides at mga ipinagbabawal na gamot tulad ng cocaine. Ang nakakalasing na inumin ay maaari ring ma­ging dahilan nito.

Nahihirapan ang pusong magpalabas-pasok ng dugo dahil sa paglaki nito kaya naman ang ilang may ganitong kondisyon ay maaaring atakehin sa puso.

May dalawang uri ng cardiomegaly.

Kapag may dilated cardiomyopathy, ang mga dingding ng kaliwa at kanang bahagi ng puso ay nababanat at nagiging manipis.

Nagiging makapal naman ang left ventricle ng puso dahil sa mataas na presyon ng dugo, at ito ay tinatawag na hypertrophy.

Madalas na walang sintomas ang paglaki ng puso. Pero kapag talagang nahihirapan nang mag-pump ng maayos ang puso, dito na nararamdaman ang parang napupugto ang hini­nga, nahihilo, bumibilis o bumabagal ang pagtibok ng puso, nagkakaroon ng palpitation at laging parang pagod.

Ang iba naman ay biglang tumataba at namamanas ang mga binti hanggang paa.

Kailangang matingnan agad ng doktor ang may ganitong kondisyon. Susukatin ang laki ng puso, pati ang pagkapal ng muscle nito at ang pag-pump na tinitingnan sa echocardiography o ultrasound ng puso. Isinasailalim din sa electrocardiogram o ECG para malaman kung may problema ba ang kuryen­te ng puso. May ilang procedures din na ginagawa upang makita kung may nagbabara sa mga ugat sa puso na nagiging dahilan ng paglaki nito.

Maaari namang bumalik sa normal na sukat ang puso. Ang kailangan lang ay magamot ang pinanggagalingan ng paglaki nito.

Kailangan ding makapagpahinga ng maayos, mag-exercise ng regular, kaunting asin lang o alat sa kinakain at uminom ng maraming tubig.

Itigil ang paninigarilyo at pag-inom ng alak, at pati na ang kape.

Panatili­hing normal ang blood pressure at blood sugar.

At ang pinaka-importante, iwasan ang stress at sobrang pag-aalala. Kaya’t sikapin nang alisin ang mga nagpapa-stress sa ating buhay. Magbakasyon sa problema.

* Si Marou Pahati Sarne ay host ng Radyo Klinika at Kalusugang Kakabilib sa Dwiz 882 KHZ AM. Maaari siyang padalhan ng katanungan at suhestiyon sa email: marou70@gmail.com