Mga lro ngayon (Mall of Asia Arena)

2:00 p.m. – UE vs. Ateneo

4:00 p.m. – NU vs. Adamson

Nalula ang defending champion De La Salle sa 16 triples na pinaulan ng University of the Philippines sa Mall of Asia Arena.

Lumiyab ang opensa ni Paul Desiderio, tumulong si Jun Manzo at kinayod ng Fighting Maroons ang napakalaking 98-87 upset win laban sa Green Archers kahapon sa UAAP Season 80 basketball tournament.

Nangalabaw ng 30 points si Desiderio, nag-ambag ng 17 puntos si Manzo at inakbayan ng UP ang biktima sa second place sa parehong 3-1 karta.

Kasama sa sinalpak ni team captain Desiderio ang 6-of-10 triples.

Hindi nagpasindak ang Maroons sa pambato ng Green Archers na si reigning MVP Ben Mbala na kumana ng 34 puntos.

“Malaking panalo ito,” masayang saad ni UP head coach Bo Perasol. “Whatever happened, we didn’t panic. We were able to get back despite the torrid shooting of Ben in the beginning,”

Nagbaon din si Janjan Jaboneta ng dalawang sunod na threes sa fourth quarter para ilagay ang UP sa unahan 79-71 bago tumipa ng isa pang tres si Manzo.

Tinarak ng UP ang biggest lead nila na siyam na puntos, 88-79 wala ng tatlong minuto sa fourth period.

Umiskor din sina Andrei Caracut at Ricci Rivero ng 15 at 12 markers ayon sa pagkakasunoid para sa La Salle.

Huling team na nakapagtala ng 16 triples sa isang game ay ang University of Sto. Tomas noong 2010.