Bumawi ang JRU Light Bombers sa magkakasunod na talo matapos payukuin ang defending champion na Mapua Red Robins, 94-84, sa pagpapatuloy ng NCAA Season 93 juniors basketball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan kahapon.

Sumalo sa 9th ang mga taga-Kalentong, dumausdos naman ang da­ting nangungunang Red Robins para akbayan ang De La Salle Greenies at runner-up San Beda Red Cubs sa 7-2 karta.

Pukpukan ang laban sa fourth quarter nang piliting habulin ng Mapua ang lead na hawak ng JRU.

Pinangunahan ni Toby Agustin ang opensa ng Light Bombers sa tinipang 24 markers, 16 rebounds at may isang assist.

Kumana ng 3-pointer si Jeff Sapinit sa final 2 minutes para idikit ang Mapua, pero hindi nagpakabog sina Javine Serrano at Tristan Tolentino na nagsalpak ng apat na puntos para panatilihin sa unahan ang JRU.

Nagtala ng 18 markers si Jeff Sapinit para sa Red Robins.