Kung mayroong balanseng distrito ng kapulisan kung magtrabaho, nangunguna rito ang Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng pamumuno ni QCPD District Director General Guillermo Eleazar.
Sinabi kong balanse dahil hindi lamang nakatutok ang QCPD sa giyera kontra iligal na droga na siyang pangunahing puntiryang lusawin ng gobyernong Duterte.
Maging ang giyera kontra krimen ay seryosong tinututukan ng QCPD.
Malinaw na pruweba ng patas na pagtrato ng QCPD sa mga kampanyang inilulunsad ng Philippine National Police (PNP) ay ang pagbaba ng antas ng krimen sa huling anim na buwan ng nakaraang taon.
Kung ikukumpara ang datos ng index crime noong July to December 2015 ay naitala ang mga kaso sa 167.50 samantalang sa figure nitong July to December 2016 ay nasa 94.21.
Lumalabas na bumaba ng 73.29% ang Average Semestral Crime Rate.
Partikular na bumaba ang mga naitalang insidente ng homicide, robbery, theft, carnapping, pagnanakaw ng mga motorsiklo, physical injury at rape.
Ibig sabihin, hindi lamang sa kampanya kontra droga nagpapakitang gilas ang QCPD kundi maging sa laban kontra sa iba pang uri ng krimen.
Ang positibong resultang ito ay maikakawing ko sa bunga ng isinagawang “transplant” sa hanay ng QCPD na pag-upo pa lamang sa pwesto ay agad nang sinimulan ni General Eleazar.
Sa ilalim ng ikinasang transplant ay pumapalo sa mahigit 160 mga miyembro ng QCPD na sinibak sa pwesto at pinalitan.
Para kay Gen. Eleazar, walang puwang sa QCPD ang mga anay na pulis na sa halip na gumanap sa tungkulin ay sila pa mismong nagpapasimuno ng kalokohan.
Katulad ni Pangulong Duterte na hindi titigil hangga’t hindi nawawalis sa lipunan ang pinakahuling sangkot sa iligal na droga ay nanindigan din si Gen. Eleazar na walang kompromiso pagdating sa pagbabago kaya lahat ay kanyang gagawin mapagtagumpayan lamang ang lahat ng uri ng krimen sa Lungsod ng Quezon.
Ayon kay Eleazar, hindi sila titigil sa paglilinis sa kanilang sariling bakod dahil batid niya na para magtagumpay ang kampanya kontra kriminalidad, dapat ay walang bahid ang mga pulis na nagsisilbi sa bayan.
Pinakahuling nahulog sa bitag ng QCPD ay ang tatlong kotong cops sa isang entrapment operation.
Ang mga pulis ay kinilalang sina PO3 Joseph Merin, PO3 Aprilito Santos at PO3 Ramil Dazo na nakatalaga sa warrant section ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD at isang civilian agent na si Gaudencio Yu.
Isinagawa ang entrapment operation sa reklamo ni Lluminada Leetiong ng Barangay Talipapa na kinikilan umano ng apat ng 15 libong piso para hindi madampot ang suspek na sinisilbihan nila ng warrant of arrest, na anak ng complainant.
Pero sa halip na kumuha ng pera si Leetiong ay dumiretso ito sa tanggapan ng pulisya at inireklamo ang mga kotong cops dahilan kaya ikinasa ang entrapment operation na nagresulta ng pagkakabuking sa modus ng tatlong nabanggit na pulis.
Para kay General Eleazar, walang lugar sa QCPD ang mga anay na pulis na sa halip na gumanap sa tungkulin ay sila pa mismong nagpapasimuno ng kalokohan.