May posibilidad na maibalik sa Department of Agriculture ang pamamahala sa karera dahil hindi ito masyadong mapagtuunan ng pansin ng Office of the Presi­dent.

Ito ang ipinahayag ni Department of Finance Secretary Carlos Do­minguez III sa dinner kasama ang mga miyembro ng Thursday Club noong nakaraang linggo. Naroon din si Finance Undersecretary Antonette Diokno.

Sa ating pagtatanong, sinabi ni Sec. Dominguez na noon pa ay nasa Department of Agriculture ang Philippine Racing Commission pero ‘i­narbor’ daw ito ng ilang mambabatas noon kaya nailagay sa Office of the President.

Maraming sektor ng industriya ng karera ang umaangal sa kawalan ng pansin ng Malacañang sa mga hinaing tungkol sa patuloy na pagbagsak nito kung titignan ang sales at revenue na nakukuha ng gobyerno.

Mahigit nang isang dekada na ang nakalilipas nang mahagip ng karera ang sales na P8-billion. Taong 2004 ito pero hindi na lumago pagkatapos ng mahigit 10 taon. Ang masaklap pa ay bumagsak sa P7-billion ang sales noong nakaraang taon at tinitignan na ganito rin kababa ang mairerehistro pagkatapos ng taong kasalukuyan.

Nasolusyunan ba ng mga taong inilagay ng Malacañang ang problema ng industriya tungkol sa pagpasok ng maraming sugal o ga­ming sa bansa tulad ng casino, online ga­ming, jueteng, sa­bong at maraming iba pa? Isang malaking HINDI ang kasagutan.

So, paano maiaahon ang nakalugmok na industriya ng karera sa bansa kung ganung hindi man lang mabigyan ng solusyon ang mga problemang kinakaharap nito?

Baka puwedeng solusyon ang sinabi ni Sec. Dominguez kung maibabalik sa Department of Agriculture ang pamamahala sa industriyang ito. Tiyak na MALAKING PAGBABAGO ang magaganap dito!