Malaking panganib ng internet

Hindi na bago itong mga balita tungkol sa mga batang napapariwara – nada-drugs o nagagahasa – ng mga estranghero na nakikilala nila sa Facebook.

Sadyang napakamaimpluwensya ng internet sa buhay ng mga kabataan at ang banta ng panganib sa kanila na hatid nito ay totoo at napakakawak.

Unang-una, babad sa kanilang gadget at computer ang mga kabataan. Malaking bahagi ng araw-araw nilang buhay ay ginugugol sa gadget. Kundi nag-e-FB o YouTube ay naka-online games.
Lubhang mahalaga na ang mga magulang ay maurirat sa kaganapan ng mga bagets na anak sa buhay-internet nila.

Isang leksyon itong nangyari sa isang 12-anyos na batang babae. Sa reklamo niya sa pulisya, ginahasa raw siya ng isang 19-anyos na estrangherong lalaki na sa Facebook niya lang nakilala.

Kahit anong gigil ng ina sa presinto ay hindi na maibabalik ang puri at kamusmusan ng kanyang anak.

Sabi pa ng ina, “Hatid-sundo ko pa ‘yan araw-araw (sa eskuwela) para maingatan.”

Masakit para sa magulang ang mapait na karanasan ng bata pero dapat itong magsilbing pangmulat o wake up call sa lahat ng magulang.

Mas malaking banta ngayon sa mga kabataan ang sobrang pagkakalantad nila sa internet. Hindi sila mapoprotektahan ng pisikal na pagbabantay.

Ang kailangan ay maipaunawa sa mga bata na dapat ay ikinukuwento nila ang lahat ng mga ginagawa at pinag-uusapan nila sa Facebook at iba pang social media sites, partikular ang mga estrangherong nakikita at nakakasalamuha nila online.

Oras na magsikreto ang mga bagets, nasa bitag na ng masasamang-loob ang kanilang kamusmusan.