Ipinalasap na ng kung sinumang nasa likod ng pambobomba sa Davao City ang kanilang lupit hindi lamang sa inosenteng nabiktima kundi sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa halos mahigit dalawang buwan sa poder ng gobyernong Duterte ay ito ang kauna-unahang pinakamalaking dagok na ating maikukunsidera.

Pero sa nakikita nating tatag sa pamamahala ni Pangulong Duterte at ng kanyang mga gabinete ay naniniwala tayong malalagpasan din ito at sa lalong madaling panahon ay mapapanagot ang sinumang nasa likod ng karumal-dumal na krimen na kumitil sa buhay ng 15 nating mga kababayan at pagkasugat ng mahigit sa 70.

Kaya sana ay makipagtulungan na lamang ang taumbayan tungo sa kaligtasan ng ating lahat. Gawin natin ang lahat ng abiso o paalala ng gobyerno lalo na ng Philippine National Police (PNP) upang wala tayong maging problemang panseguridad.

Huwag din tayong magpasimula o pumatol sa pagpapakalat ng mali-maling mga impormasyon sa social media na maaring magdulot ng tensyon at takot sa publiko.

Ang kailangan sa mga panahong ito ay kooperasyon sa pamahalaan upang maibalik sa normal ang sitwasyon ng ating bansa na nagtaas ng alerto dahil sa katatapos na pambobomba.

Ang idineklarang ‘state of lawless violence’ ni Pangulong Duterte sa halip na pagtalunan ay kilalanin na lang dahil makakatulong ito sa pagpapanatili ng ating seguridad laban sa masasamang elemento ng lipunan lalo na ang mga terorista at mga nasa likod ng iligal na droga na pilit talagang gumagawa ng paraan upang makapaghasik ng lagim at ligaligin ang gobyernong Duterte at mawala sa pokus.

Huwag nating hayaang manaig ang mga ito dahil hindi lamang ang gobyerno ang apektado kundi ang bawat mamamayang Filipino.