Mas marami ang katanungang naglalabasan ngayon mula sa bibig ng maraming major players ng industriya tungkol sa ipinapanukalang “standardization” ng mga racetracks sa bansa.

Marami ang nagsasabing hindi sapat na batayan ang lagyan ng pare-parehong standards ang lahat ng pista (racetrack) para ma­ging “safe” ito sa mga kabayo at hinete.

Kahit sa malala­king karerahan sa buong mundo – sa Amerika, Japan, Hong Kong, Australia, Singapore, Macau, South Africa, France – hindi naiaalis ang disgrasya sa mga kabayo dahil ang sports na ito ay talagang malaki ang “risk” para sa mga kabayo at hinete.

Mahirap “maiwasan” ang mga aksidente pero “nababawasan” dahil sa pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mga major players nito.

Isa ring katanungan ay kung paano magkakaroon ng “standardization” kung ganung magkakaibang tao mula sa ibang mga nasyon ang designers ng tatlong karerahan sa bansa.

Nasa bansa na ngayon (dumating kamakailan) ang dalawang opisyales ng Japan Racing Association-Facilities na kinuhang “consultants” para sa proyekto.

Isa rito ay designer at mismong namahala sa pagpapagawa ng isa sa tatlong karerahan ngayon sa bansa. Ang ibig sabihin ay base ito sa standard ng JRA-F noong siya ay naglilingkod pa noon doon.

Ganun din ba ang “standards” na ipaiiral sa dalawa pang karerahan na gustong ipasailalim ng mga awtoridad ganung iba ang designers ng mga ito at hindi taga JRA-F?

Mukha daw may malalim na bagay dito na dapat pag-aralan dahil tiyak na hindi ito magi­ging maganda sa ilang maaapektuhang partido pagdating ng araw. At yan ang binabantayan ng mga eksperto sa ating tagiliran ngayon.