Pa-summer na pero nananatiling malamig ang panahon. Katunayan, simoy Pasko pa rin lalo na tuwing gabi. Kung minsan nga sinasaba­yan pa ito ng pag-uulan. Isama pa ang hindi pa rin nawawalang banta ng COVID-19.

Kaya kahit paulit-ulit, hindi pa rin nagkukulang sa paalala ang Department of Health (DOH) sa publiko para manatiling malusog ang pangangatawan.

Una, panatilihing malakas ang immune system sa pamamagitan ng healthy lifestyle lalo na ngayong usong-uso na naman ang mga influenza-like disease gaya ng ubo, sipon, at trangkaso.

Para magkaroon ng malakas na resistensiya, iwasang magpuyat. Matulog nang maaga. Hangga’t maaari, walong oras na tulog ang kailangan ng isang tao kada araw.

Iwasan din ang bisyo gaya ng yosi at alak. Sa halip, kumain ng masusustansiyang pagkain gaya ng prutas at gulay.

Panatilihing malinis ang katawan. Maligo araw-araw. Kung maaari, hanggang dalawa o tatlong beses na maligo para ma­ginhawa ang pakiramdam.

Lagi ring tandaan na importanteng nakatakip ang bibig at ilong tuwing uubo at babahing.

Umiwas sa matataong lugar na posibleng pagmulan ng viral infection.

Kung masama ang pakiramdam, mas mainam na magsuot ng face mask kung lalabas ng bahay.

Importante ring magsuot ng mga damit na akma sa panahon. ­Laging magbaon ng jacket o ­kapote para may panlaban sa ­lamig at panangga sakaling umulan.

Payo rin ng mga medical expert, uminom ng supplementary vitamins para may panlaban sa sakit.

Ang sa akin lang, panatilihing malusog ang katawan lalo na ngayong malamig ang panahon at tuloy-tuloy ang pag-uulan para laging fit at healthy.