Pinutakte sa social media ang dalawang water concessionaires—ang Maynilad at Manila Water dahil sa nangyaring water interruption.
Trending na nga kung masasabi ang isyu sa water interruption dahil sandamakmak na komento ang bumalandra sa iba’t ibang social media sites.
Sabagay nga naman, ikaw ba naman ang bulagain ng kawalan ng tulo sa gripo, talagang magwawala ka. Sabi nga mawalan ka na ng ilaw, huwag lang tubig. Kay ramdam ko ang hirap na pinagdaanan ng ating mga kababayang asang-asang sa itinakdang oras pa ng Maynilad at Manila Water sila mawawalan ng tubig.
Umpisa pa lang ng Marso ay pumapalya na ang suplay ng tubig ng Maynilad Water Services Inc. habang noong isang linggo pa nagrereklamo ang mga customer ng Manila Water Services Inc.
In fairness sa Manila Water tumimbre sila sa mga customer nu’ng Marso 8 na magkakaroon ito ng operational adjustments dahil patuloy na bumababa ang tubig sa La Mesa Dam.
Kanya nga lang hindi nasunod ang mga itinakdang oras kaya super galit ang mga kanilang mga kostumer.
Kaya sana sakali namang magkaroon ng aberya, umayos naman sana kayo sa pag-aanunsyo para nakakapagplano ang inyong mga kostumer.
***
Kung pagbabatayan ang huling survey ng Social Weather Station, papasok sa Magic 12 si Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa. Kaya naman kapag nagkataon, dalawa na ang PNP chief na magiging senador.
Si Sen. Lacson ay naging PNP chief muna bago naging senador kaya naman kung susuwertehin sa Senado si Bato, magkakatulungan sila ni Sen. Ping na kilala ring batikan sa paglaban sa kriminalidad.
Ang tagumpay ni Sen. Ping bilang isang senador ay nagpapakita lamang na hindi hadlang ang pagiging pulis para maging isang magaling na mambabatas.
Bilang pulis, alam na alam nina Bato at Sen. Ping ang mga batas na kailangan para mas mapalakas ang law enforcement agencies sa paglaban sa mga kriminal partikular sa mga sindikatong nagpapakalat ng illegal na droga.
Sabi nga ni Gen. Bato, “Masyadong nakakabahala na ang kalagayan ng ating mga kabataan—mahirap man o mayaman. Kailangang masuring mabuti ang sistema ng pagpasok at pag-distribute ng iligal na droga at nang makagawa tayo ng batas na makakakontra nito.”
Kapag natuloy ang pagsasanib-puwersa ng dalawang PNP chief sa Senado, pihadong may paglalagyan ang mga masasamang elemento at may makakatulong si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga na isa sa pinakaseryosong problema ng bansa.
Kaya goodluck kay Gen. Bato dahil tiyak matinding hamon ang kakaharapin niya lalo na’t may isang katulad ni Sen. Ping sa Senado.