Parang gusto kong maglupasay nang marinig ko sa National Telecommunication Commission (NTC) sa budget hearing ng Department of Communication and Information Technology (DCIT) na maganda ang serbisyo ng internet sa Pilipinas.
Ibinida ng NTC sa Kongreso na sa 167 bansa sa mundo, nasa 98 ang ranking ng Pilipinas sa Connectivity index at tumaas ng 7 puntos kumpara sa nakaraang taon habang inilabas din nila ang datos ng United Nations (UN) na nagpapakita na ang Pilipinas ay nasa gitna ng dating 71 na ang ranking lalo na sa Metro Manila.
Malayo ito sa katotohanan dahil ang hirap mag-connect sa internet pero nagbabayad pa nang tama at matindi pa rin ang drop calls pero mukhang hindi ito nararamdaman ng NTC dahil tiyak na ang mas malalakas na internet service ang kanilang sina-subscribe.
Hindi na ako magtataka kung bakit hindi naaaksyunan ng NTC ang reklamo ng mga subscribers dahil ang utak nila eh maganda ang serbisyo? Hindi kasi nila nararamdaman ang nararamdaman ng mga ordinaryong subscribers.
Kahit ang mga kongresista ay nagrereklamo sa connectivity sa kanilang mobile internet at ang NTC people lang yata ang hindi nagkakaroon ng problema kaya hindi ko alam kung saang lupalop nakatira ang mga ito na mayroong malakas na maayos na connectivity.
Sabi nga ng mga matatanda, papaano mo aaksyunan ang problemang hindi mo naman nararanasan? Kailangang sigurong alisan muna ng communication support ang mga NTC people.
‘Yun bang sila ang magbabayad ng sarili nilang mobile internet at hindi ang gobyerno kung mayroon man para maranasan nila nang personal ang problema.
***
Mabuti naman at napuna ng liderato ng Kamara ang matagal nang kalakaran sa gobyerno na ang mga executives sa mga malalaking ahensya ay mula sa mga malalaking kumpanya na mayroon silang negosyo.
Mismong si House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez ang nanita at parang naglagay sa loyalty check sa ilang undersecretary ng Department of Transportation (DOTr) kung kanino ba sila magsisilbi ngayong nasa gobyerno na sila.
May ilang opisyales kasi sa DOTr ang mula sa mga kumpanyang may interes sa mga proyekto ng ahensya at ang sabi ni Alvarez, at bagama’t nag-resign na sila, may mga dating opisyales ng ilang malalaking ahensya ng gobyerno na pagkatapos ng kanilang termino ay bumabalik sa kanilang mother company pagkatapos ng kanilang termino.
Alam ko at siguradong alam niyo rin kung ano ang gustong tumbukin ni Alvarez dahil kung bakit naman sa mga DOTr at iba pang ahensya na may malalaking negosyo ang ilang malalaking kumpanya lang mayroon silang ‘dating’ tauhan na bumabalik din sila pagkatapos ng kanilang termino.
Bakit hindi raw naglalagay ang mga malalaking kumpanya ng kanilang mga tao sa mga ahensyang wala silang negosyo tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaya ang sabi ni Alvarez, “huwag na tayong maglokohan dito”.
Noong nakaraang administrasyon naman, may ilang kongresista noon na pumupuna na kaya raw malambot naman ang mga opisyales sa Department of Energy (DOE) sa mga power industry ay dahil ang mga power industry players ang kanilang employer kapag umalis na sila sa DOE.
Pero kailangan din sigurong mag-ingat ang gobyerno sa pagkuha ng mga taong tutulong sa kanila sa pagpapatakbo sa ahensya para walang conflict of interes. Oo kailangan natin ng eksperto pero marami naman siguro na magagaling na hindi galing sa mga higanteng kumpanya.
(dpa_btaguinod@yahoo.com)