Humihingi ng saklolo sa gobyerno ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Malaysia sa harap ng panganib na dulot ng coronavirus disease 2019.
Sa regular na Laging Handa public briefing nitong Huwebes ng umaga, sinabi ni Anthony Balando, isang overseas Filipino worker (OFW), na hindi sila kasama prayoridad at second class citizen kung ituring sila sa Malaysia lalo na sa pagbili ng pagkain.
Mahigpit din aniya ang ipinatutupad na lockdown sa Malaysia na tatagal hanggang April 14, at walang pinalalabas, sundin ang social distancing at laging i-check ang body temperature.
“Ang nagiging problema ng OFWs dito ay `yong lockdown na extended until April 14. Ang iniisip namin dito ay kung papaano kami lalabas para bumili ng pagkain lalo na po `yong mga Pinoy na nagtatrabaho sa pribadong sektor,” ani Balando.
Halos wala aniya silang mabili sa mga grocery store dahin pinapauna ang mga lokal, at kapag sila na ang pinapapasok ay halos ubos na ang mga bilihin.
“Ang pinaka-kailangan naming tulong ay `yong pagkukunan namin ng pagkain kasi dito po sa Malaysia, sobrang higpit po ng pagpapatupad nila ng lockdown period. Hindi kami masyadong priority ng mga grocery kung kami ay bibili. Nauuna lagi `yong mga lokal at kung kami na ang bibili ay halos ubos na `yong paninda,” dagdag ni Balando.
Dahil dito, nanawagan ang OFW sa gobyerno na sana ay kumilos ang mga opisyal ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur para alalayan at bigyan sila ng pagkain.
“Humihingi kami ng tulong sa embahada na sana ay makapagbigay sila ng supply ng pagkain sa amin,” wika pa ni Balando.(Aileen Taliping)