Malditang female personality tsugi sa show

tonite-no-thanks-cristy-ferminBIDANG-bida sa isang umpukan ang isang female personality na super-maldita ayon sa kanyang mga katrabaho. Mahirap kunong makasama ang babaeng ito dahil ang feeling niya ay perfect siya.

Hindi siya artista, pero parang ganu’n na rin ang kanyang dating, dahil ­minsang naugnay ang kanyang pangalan sa isang napakalaking pigura sa ating lipunan.

Hinahabul-habol siya ng mga reporters, pilit na pinagsasalita tungkol sa relasyon nila ng markadong lalaking personalidad, artistang-artista ang dating niya.

Kuwento ng isang source, “Nakatrabaho namin siya sa isang show, maldita ang babaeng ‘yun, hindi siya tumatanggap ng suggestions. Ang feeling niya kasi, e, alam na niya ang lahat-lahat.

“E, dumarating nga siyang walang alam sa mga nangyayari sa ating bayan! Ni hindi niya alam kung magkano ang itinaas at ibinagsak ng gasolina!

“Wala siyang alam! Pero nagdudunung-dunungan siya, kunwari, e, aware siya sa current events, pero ang totoo, e, sa script lang naman siya umaasa!

“Palagi kasi siyang late dumarating sa set. Naka-make-up na ang mga kasamahan niya, pero siya, e, humahangos pa lang papasok at tumutulo pa ang buhok niya dahil late na naman siyang nagising!

“Sinasabi lang sa kanya ng staff na sana, mas maaga siyang dumarating para hindi siya nangangarag, aba, nagmaldita pa ang hitad! Bakit daw siya pina­ngungunahan, e, nakaaabot naman siya sa show!

“Ayun! Dahil palagi siyang pinoproblema ng production, nakarating sa mga ehekutibo ang mga pinaggagagawa niya. Nu’ng i-reformat ang show, e, hindi na siya kasama. Waley na siya!

“At nasaan na ba siya ngayon? Bumalik na ba siya sa pinanggalingan niya para maging member na lang siya ng mga sumasayaw-sayaw niyang mga kababayan? Saranghameda!” pagtatapos ng aming source.

Tatalo sa ‘Ang Probinsyano’ di pa ipinapanganak

KAHIT maganda ang pagkakaplantilya ng seryeng Cain At Abel ay hindi pa rin ito makadikit man lang sa lakas ng Ang Probinsyano. Pinag-iiwanan pa rin sila sa rating ng pinagbibidahang palabas ni Coco Martin.

Sa mga unang gabi ay positibo naman ang mga komento ng mga nanood ng Cain At Abel, pero ra­ting kasi ang barometro ng tagumpay ng isang palabas, du’n nalaglag ang serye.

Ewan kung anong estrelya meron sa palad ni Coco Martin para tumagal nang tatlong taon ang kanyang serye, sabi nga ng ibang nakakausap namin ay hindi pa raw ipina­nganganak ang progra­mang makatatalo sa Ang Probinsya­no, mananatiling umaasa na lang ang mga tumatapat sa kanya.

Binulabog na ng PNP ang serye ay parang wala namang naging epekto ‘yun para sa ating mga kababa­yan. Mas pinasikat pa nga ng mga reklamo ng kapulisan ang serye kaya mas tumayog din ang rating.

Parang nagsalita lang sa hangin ang tagapamuno ng PNP na walang nakarinig, lalo na’t sunud-sunod na naman ang krimen at ilegalidad na sangkot ang mga tiwaling pulis, linisin muna kasi ang kanilang hanay para hindi sila napapahiya.

Pero sa kabila ng walang katotohanang akusasyon na sinisira ng serye ang imahe ng mga pulis ay nagpakumbaba pa rin si Coco Martin, humingi pa siya ng dispensa kung nakapanakit man ang serye sa mga otoridad, kasabay ang pagdidiin na fiction o kathang-isip lang ang daloy ng kuwento ng Ang Probinsyano na walang sinasagasaang tao o institusyon ayon sa kanilang disclaimer.

Sa kabila ng kanyang tagumpay at kasikatan ay ikalawang balat na ni Coco Martin ang pagiging mapagkumbaba.