Malditang komedyana nagdabog sa bangko

tonite-no-thanks-cristy-ferminPuro malalakas na halakhakan ang maririnig sa paligid dahil sa pagba­balik-alaala ng isang grupo tungkol sa kamalditahan ng isang babaeng perso­nalidad. Hindi naman siya kagandahan, ayon sa magkakatropa, pero ang kaa­ngasan ng komedyana ay sagad sa buto sa kawagasan.

Pangsahog lang naman siya sa isang sitcom na pinagbibidahan ng isang sikat na grupo ng magkakaibigang aktor pero kung makaasta siya ay parang hindi tatakbo ang programa kapag nawala siya.

“Uso siya nu’n, malakas kasi ang show, kaya damay na rin siya. Kapag siya na ang kukunan, e, pahirapan siyang palabasin sa dressing room. On the set na ang mga bida, pero siya, wala pa.

“Lalabas siyang nakasimangot, pagod na pagod na raw kasi siya. Isang bakol ang face niya, e, hindi na nga siya kagandahan, di ba? Maldita siya, nakakaloka ang kaangasan ng babaeng ‘yun!

“Pinapakisamahan na lang siya ng staff, pinababa­yaan na lang ang kalokahan niya, pero maraming imbiyerna sa kamalditahan niya!” simulang kuwento ng nagbabaliktanaw na source.

Nagpunta sa bangko isang umaga ang hindi kagandahang komedyana. Umaasa siya ng espesyal na pagtrato dahil artista nga naman siya. Pero pinapila pa rin siya.

Patuloy ng aming source, “Nagagalit siya, nagmamadali raw siya dahil may taping pa siya, pero pinapila pa rin siya sa pagwi-withdraw. Nagdadabog siya, hanggang kisame ang nguso niya sa pagbusangot!

“Ang tagal-tagal naman daw, e, kaliit lang naman ng amount na wiwidrohin niya! Sa inis siguro sa kanya ng mga teller, e, lalong pinatagal ang hitad na babae sa pila!

“Kumusta naman siya ngayon? Waley na siya, di ba? ‘Yun ang napala niya sa kaangasan niya! ‘Yun ang naganap dahil sa kamalditahan niya! Akala niya kasi, e, habambuhay ang sitcom nila!

“Hindi na nga siya kagandahan kahit foreign-sounding pa ang name niya, pero hanggang ngayon, e, maldita pa rin siya! Nakakaloka ang babaeng ‘yun na kapag nag-brownout, e, hindi mo na makikita!” napapailing na kuwento ng source habang naghahalakhakan naman ang iba pa.

Anne mukhang buntis

Ewan kung kami lang ang nakakapansin pero parang nagdadalantao na si Anne Curtis. Malaki na ang pagbabago ng kanyang katawan, namimili na siya ng tabas ng isusuot, magandang balita kung magkakaroon na nga sila ng anak ni Erwan Heussaff.

Isa si Anne Curtis sa mga artistang sumikat na hindi pinagbago ng panahon. Kung ano siya nu’ng teenager pa lang siya ay ganu’n pa rin siya hanggang ngayon. Matanaw ng utang na loob at napaka-humble.

Buhay siya ng It’s Showtime, panalung-panalo ang pagpapalitan nila ng jokes ni Vice Ganda, kapag wala nga si Vice ay si Anne ang nagdadala ng noontime show.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Sobrang gandang-ganda ako kay Anne. Saka while wat­ching her, parang mas nakikilala mo kung sino talaga siya. Mababaw ang luha, mabait na anak at kapatid, I truly like her.”

Hindi namin makakalimutan ang isang episode ng It’s Showtime nang mauwi sa mga uri ng palaka ang topic ng mga hosts. Nakisali si Anne, ang sabi niya, “Oo nga, kinakain ang frog. Di ba, masarap ang palakang pu–?” Dinig na dinig namin ‘yun.

Tawa kami nang tawa, pero maya-maya lang ay umiiyak na si Anne, humihingi na siya na dispensa sa kanyang sinabi. Sa halip na palakang bukid kasi ay palakang pu– ang nasabi niya.

Hindi sinasadyang pagkakamali ‘yun dahil laking-Australia si Anne. Napakakaswal niyang sinabi ang palakang pu– na ikinawindang ng kanyang mga co-hosts.

Kung tama ang tingin namin ngayon ay napakagandang regalo ng langit para kina Erwan at Anne ang pagkakaroon na ng munting anghel.

Siguradong napakagandang sanggol ang iluluwal ni Anne dahil perpek ang kumbinasyon nila ng kanyang mister.