Male personality buking ang relasyon sa bading

Madalas makita sa isang malamig na bansa ang isang male personality na nabigyan din ng pagkakataong makilala sa kanyang hanay.

Hindi na siya aktibo sa paggawa ng pelikula, hindi na rin siya napapanood sa mga serye ng kanyang network, kaya maraming nagtatanu­ngan kung ano na ang pinagkakaabalahan niya ngayon.

Bigo ang male perso­nality na ito sa kanyang pakikipagrelasyon. May artista ring tulad niya, merong negosyante, may kapatid ng isang sikat na artista pero lahat ‘yun ay nauwi sa hiwalayan.

Kuwento ng aming source, “Wala siyang su­werte sa pakikipagrelasyon. Nagtatagal din naman ‘yun, pero ang ending, e, sa hiwalayan pa rin.

“Paano, ang dami-daming kuwento tungkol sa personal niyang buhay. Ang lutang na lutang, e, ang pakikipag­relasyon niya sa gay. ‘Di nga ba, ‘yun ang dahilan kung bakit ayaw na ayaw sa kanya ng fami­ly ng isang magandang female personality na nakarelasyon niya?

“Ipinaglaban siya ng girl, nag-live-in pa nga sila, hanggang sa ang female personality na mismo ang humiwalay sa kanya nu’ng madiskubre ng babae na totoo pala ang mga sinasabi ng parents niya!

“Meron pala siyang kasalo sa pinggan, meron palang gay benefactor si aktor na nasa ibang bansa. ‘Yun pala ang dahilan kung bakit madalas siyang mangibang-bansa!

“Nagkikita pala sila ng mayamang businessman sa malamig na bansang ‘yun! Nu’ng malaman ng girl ang kuwento na may kakambal na resibo (ebidensiya), nagbabu na siya sa male personality!” detalyadong kuwento ng aming impormante.

Kaya sa mga nagha­hanap sa kanya, huwag na kayong mag-aksaya ng panahon, hindi n’yo siya makikita lalo na kung singkit din ang inyong mga mata na tulad ng male personality na ito.

Ha! Ha! Ha! Ha!
***

Celebrity binebenta ang bahay, rest house

Text ng isang kabigan naming nagtatrabaho sa isang kilalang kumpanyang nagba-buy and sell ng mga propyedad, “Ibi­nebenta na pala ng ____ family ang bahay nila sa isang sikat na subdivision?

“E, ibinenta na rin ng male personality mula sa pamilyang ‘yun ang nabili niyang rest house sa bandang South! Kunsabagay, aanhin nga ba naman nila ‘yun, e, paminsan-minsan lang naman nilang napupuntahan ang bahay-bakasyunan nila!

“Or baka naman kailangan na nilang ibenta ‘yun dahil hindi na sila masyadong visible nga­yon,” tanong-opinyon ng aming source.
***

Walang umaangal sa ugali ni Manoy

Pagkatapos nang labingdalawang araw ng pagiging comatose ay bumigay na ang lupang katawan ng henyong aktor-direktor na si Manoy Eddie Garcia.

Maraming nagkokomento na nakalulungkot man ang kanyang pagpanaw ay naganap ‘yun sa isang paraang mapayapa. Tulog si Manoy Eddie, in deep sleep, sabi nga ng kanyang mga doktor.

Hindi makukumpleto ang kasaysayan ng industriya ng pelikulang Pilipino at mundo ng telebisyon kung walang Eddie Garcia. Pitumpong taon niyang minahal ang kanyang propesyon na mas nagmahal sa kanya.

Nagpaalam siyang bitbit ang respeto ng kanyang mga kahanay at pagmamahal ng samba­yanan na sumasaludo sa kanyang talento bilang aktor at direktor.
Si Manoy Eddie ang pinakaeksaktong halimbawa ng isang public figure na napanatili ang kapribaduhan ng kanyang personal na buhay.

Hindi siya nasangkot sa kontrobersiya kahit kailan, wala siyang kasamahang personalidad na nagreklamo sa kanyang ugali bilang isang sikat na artista, pagdating sa propesyonalismo at pakikidama ay isang buhay na patotoo si Manoy Eddie.

Tulad ng kanyang hi­ling, nu’ng Huwebes nang gabi pa lang ay na-cremate na ang mga labi ng aktor-direktor, ang ina­abangan na lang ngayon ng marami ay kung papayag ba ang kanyang mga naiwang mahal sa buhay na isabog ang kanyang mga abo sa Manila Bay.

Ang mula sa pusong pakikiramay po namin sa pamilya ni Manoy Eddie Garcia. Sa Linggo ay tuluyan na natin siyang hindi makakasama pero ang mga iniwan niyang alaala ay mananatiling buhay na buhay sa ating puso. (Cristy Fermin)