Kahit pa siguro magputukan ang lahat ng bulkan sa ating bansa ay hinding-hindi na makakalimutan pa ng isang kilalang male personality ang naging karanasan niya sa pakikipagrelasyon sa isang kilalang aktres.
Hindi eksaktong masabi ng lalaking personalidad kung kailangan na ng medical attention ng babae o umaarte lang ito para kunin ang isandaan niyang atensiyon.
Kuwento ng aming source, “E, napakaabala pa naman ng male personality, ang dami-dami niyang trabaho, tapos, in the middle of his work, biglang tumatawag sa kanya ang girl at umiiyak!
“Natural, kinakabahan ang male personality, dahil baka kung ano na ang nangyari sa girlfriend niya, baka pinasok na ng akyat-bahay o baka may nagtangkang mang-rape sa babae!
“Kailangan daw siyang magpunta sa condo unit ng girl, kaya ito namang si lalaki, nagpapaalam siya sandali sa production. Kabadung-kabado siya dahil baka kung ano na talaga ang masamang nangyari sa girlfriend niya!” bitin na kuwento ng aming impormante.
Tensiyonadong nagpunta ang aktor sa tinitirhan ng aktres, gusto na niyang mag-ala Superman para makarating siya agad sa unit, pero ano ang kanyang inabutan?
Patuloy ng aming source, “Wala! Nakangiti pa siyang sinalubong ng girl na bagong paligo, seksing-sexy ang suot, miss na miss lang daw kasi siya ng babae!
“Gusto nang himatayin ni ____(pangalan ng male personality) sa sobrang inis! ‘Yung inabot nga naman niyang tensiyon, e, hindi biro, pero wala naman palang nangyayari sa lukring niyang girlfriend!
“Ilang ulit siyang ginanu’n ng girl, kaya nakaisip ng paraan ang guy, tinawagan niya ang isang ex ng aktres, nagtanong at nagpakuwento siya sa lalaki. Napakarami niyang nalaman!
“May drama pa pala ang girl na namatayan ang family nila at kailangan niyang umuwi sa kanilang probinsiya, pero wala namang patay! Mula nu’n, e, unti-unti nang nilayuan ng male personality ang babaeng madrama at lukring!” kuwento pa ng aming kausap.
Ha! Ha! Ha! Ha!
Kiefer ninakawan ng pangarap
Nakita ng mga kaibigan namin ang pamosong basketball player na si Kiefer Ravena sa isang shop sa Makati. Hindi pinaligtas ng tropa ang pagkakataon, nakipag-selfie sila sa may pinagdadaanang basketbolista, ipakikita raw kasi nila ‘yun sa mga anak nilang mahilig sa basketball at iniidolo pa nga si Kiefer.
Labingwalong buwan ang suspensiyon na ipinataw sa magaling na basketball star ng FIBA, nakakita raw kasi ng kakaibang substance sa kanyang ihi nang sumailalim sila sa random urine test, pero hindi naman droga ang sangkot sa isyu kung isang klase ng sangkap mula sa ininom niyang energy drink.
Napakasakit na kuwento. Kung bibilangin ang pagdidribol ng bola ni Kiefer mula nu’ng bata pa siya, siguro’y milyong beses na ‘yun, idagdag pa ang dami ng pagbubuslo niya ng bola dahil meron siyang mahiwagang kamay sa three points.
Pero nang dahil lang sa kung anong substance mula sa ininom niyang pampalakas ng katawan ay ganito na ang aabutin niya? Para siyang isda na tinanggal sa tubigan at inilipat sa lupa.
Buhay ni Kiefer Ravena ang mundo ng basketball na minana niya sa kanyang amang si Bong. Puro atleta ang buong pamilya, ang kanyang inang si Mossy ay national volleyball player nu’n, at ang nakababata niyang kapatid na si Thirdy ay pambatong player naman ng Ateneo. Player din ang kapatid niyang babae.
May mga polisiya at desisyong pinaiiral sa mundo ng basketball, pero ang sakit kasing tanggapin na ang isang tulad ni Kiefer na alam naman nating malinis na malinis ang dugo sa anumang bisyo at nakapagbigay na ng karangalan hindi lang sa kanyang unibersidad kundi pati sa ating bayan ay ganito ang haharaping kapalaran, kayamanan ng hardcourt si Kiefer Ravena.
Hindi lang mga kamay niya ang kahanga-hanga sa pagsu-shoot ng bola, kasabay nu’n na gumagana ang kanyang utak, mabibilang namin sa mga daliri ang mga bagitong player sa PBA na gumagawa agad ng marka.
Kung ang ipinataw na parusa sa mga bilanggo ay napapaigsi, harinawang makabalik agad sa paglalaro si Kiefer Ravena hindi lang para sa kanyang mga tagasuporta, kundi para maipagpatuloy ang kanyang ninakaw na pangarap sa mundo ng balyahan at pagbubuslo ng bola.