Male personality madamot magregalo kahit Pasko

ILANG tulog at gising na lang ay Pasko na. Napakabilis talaga ng lipad ng panahon. At kapag dumarating ang ganitong panahon ay may naaalalang male personality ang mga miron.

Wala kasi siyang pakialam sa Kapaskuhan. Ayaw niyang mabawasan ang kanyang bulsa sa pambili ng kahit munting regalo lang para sa kanyang mga katrabaho.

Kuwento ng isang source sa malaking umpukan ng mga taga-showbiz, “Ilang taon ko na siyang nakakatrabaho sa mga seryeng pinagbibidahan niya, pero kapag naiisip ko, oo nga!

“Kahit nga pala belekoy, e, wala siyang nairegalo sa amin! Nagtatanungan nga kami ng mga kasamahan ko kung meron siyang ibinigay sa iba at kami lang ang nakalimutan niya, pero wala rin pala!

“Talagang mula nu’n hanggang ngayon, e, pinanindigan na niya ang pagiging makunat. Talagang wala sa vocabulary niya ang pagreregalo kahit man lang sa mga taong palagi niyang nakakasama sa trabaho niya!

“Kunsabagay, kahit naman sa taping namin, e, palagi siyang pinag-uusapan dahil sa pagiging kuripot niya. Patago siyang kumakain kapag nagpapabili siya ng food!

“Never pa siyang bumili ng para sa mga kasamahan niyang artista, ‘yung para sa kanya lang ang ipinabibili niya at kumakain siyang mag-isa!” unang kuwento ng aming impormante.

Hari kuno ng husay sa paghawak ng datung ang male personality na ito na hindi halos nawawalan ng trabaho sa isang malaking network.

Balik-kuwento ng source, “Ang dami-dami niyang raket, hindi siya napapahinga! Nasa isang serye pa siya, buhay na buhay, pero meron na uli siyang ginagawang serye!

“Parang siya na nga lang yata ang artista sa network na ‘yun, e! Kapag kailangan na niyang mag-concentrate sa bago niyang serye, titigukin na lang siya du’n sa isa!

“At minsan, nagkakasabay-sabay pa ang mga programa niya, buhay siya sa magkakasabay na serye! Ganu’n siya katindi, kaya malaki ang biyayang tinatanggap niya!

“Pero wala siyang pakialam sa pagreregalo, deadma siya, talagang hindi niya nakasanayan ang pagse-share ng mga blessings niya.

“Naku, ha? Ayaw ng mga general ng ganyan! Ipinaglihi talaga siya sa inuyat, kundi man, e, sa tiyani! Nakakaloka ang male personality na ‘yun!” humahagalpak pang pagtatapos ng aming impormante.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Vice gagawa ng baby

HINDI naman pala tatanda nang nag-iisa si Vice Ganda. Wala mang forever sa pagmamahalan nila ni Ion Perez ay singuradong may gagabay pa rin sa komedyante-TV host sa kanyang pagkakaedad.

Buo na ang kanyang desisyon na magkaroon ng sariling anak. Sa kakukumbinse ng kanyang kaibigan at dating manager na si Ogie Diaz ay pinagplanuhan na ng sikat na komedyante ang pagkakaron ng anak na dugo ng kanyang dugo at laman ng kanyang laman.

Tama naman ‘yun. Mas masarap tumanda na kamay ng anak ang umaakay sa atin at hindi tungkod ang gumigiya sa ating pagkilos.

Ibang-iba ang pagmamahal na ibinibigay ng sariling dugo kesa sa mga pamangkin at kamag-anak lang. Napakarami naming nakikitang becki na tumandang nag-iisa.

Mapalad ang ibang may nakakasamang kasambahay, pero ang mga hindi nakapaghanda sa kanilang kinabukasan ay mag-isang namumuhay, hinihintay na lang ang kanilang katapusan.

Nakikita naman ni Vice ang buhay na meron si Ogie Diaz, sinikap nitong makapagbuo ng masayang pamilya, anim ang anak nila ng kanyang misis at isang responsableng ama ang manunulat-komedyante-manager.

Sana nga ay matuloy ang plano ni Vice na magkaroon ng sariling anak. Ibang-iba ang pakiramdam ng magulang, ang lahat ng kakulangan ay napupunuan, hindi nakakatakot ang pagharap niya sa dapithapon ng kanyang buhay dahil may mga kamay ng anak na aakay sa kanya.