Matindi pala ang pakiusap ng isang problemadong male personality sa isang itinuturing niyang kuya para magawan ng paraan ang pagdurusang inabot niya ngayon.
Kilalang artista si kuya, nirerespeto ito ng kanyang mga kahanay, hindi sila puwedeng ikumpara dahil mula nu’n hanggang ngayon ay walang bisyo si kuya.
Kuwento ng aming source, “Nagparating na siya ng message kay kuya, nagpapatulong siya, gusto na niyang makapagtrabaho at talagang magbabago na raw siya.
“Pero mukhang malabo ang sinasabi niya, matagal na niyang sinasabing nagbago na siya, pero nagbago lang naman pala siya ng pagkukunan, tuloy pa rin ang pagbibisyo niya.
“At mukhang malabo talaga, dahil hindi siya kukunsintihin ni kuya na ni hindi nga nagsisigarilyo, bisyo pa kaya ang kahihiligan niya?” madiing komento ng aming impormante.
Alam ng male personality na malapit ngayon si kuya sa matataas na opisyal ng ating pamahalaan. Akala siguro niya’y mapaiigsi ni kuya ang kanyang parusa.
Patuloy ng aming source, “Ilapit na niya ang lahat kay kuya, huwag lang ang may kinalaman sa bisyo. Hindi siya tutulungan nu’n, baka nga pagalitan pa siya!
“Sa lahat ng ayaw ni kuya, e, ‘yung ganyan na nagbibisyo, hindi siya maaasahan ng male personality sa gusto niyang mangyari, huwag na siyang umasa pa na mapapadali ang parusa sa kanya.
“Kasi naman, ang ganda-ganda na nga ng takbo ng career niya, hindi siya nawawalan ng trabaho, pero sumige pa rin siya sa pagbibisyo. Magaling pa naman siyang artista, nagkakaedad na siya, pero marami pa ring roles na naibibigay sa kanya.
“Pero nagpatalo siya sa kaway ng bisyo, alam niya namang masamang-masama ‘yun sa health niya, pero matigas ang ulo niya!” napapailing na sabi pa ng aming impormante.
***
Bong naninibago sa labas ng kulungan
Pinakamaligayang Pasko talaga para kay dating Senador Bong Revilla pagkatapos nang mahigit na apat na taon ang pagsasaluhan nila ng kanyang pamilya ngayong Noche Buena.
Nand’yan pa rin ang paninibago, ang hindi agarang pagdalaw sa kanya ng antok, para nga naman siyang isda na mula sa tubig ay inilipat sa lupa.
Pero ang mahalaga ay magkakasama na silang mag-anak ngayon, hindi na siya dadalawin pa sa PNP Custodial Center para makita lang, at masayang-masaya si Senador Bong dahil anumang oras niyang gustong makita ang kanyang mahal na ama ay napakadali niyang nagagawa ‘yun.
Sa isang kuwentuhan namin ng aktor-pulitiko nu’ng nasa piitan pa siya ay madalas niyang sabihin, “Ang inaalala ko, e, ang daddy ko. Bihira kaming magkita. Kapag nasa ospital lang siya at pinapayagan akong makadalaw sa kanya.
“Pero napakalimitado ng oras, gusto ko pa siyang makasama, pero kailangan ko nang bumalik uli dito. Nakakalungkot,” emosyon ni Senador Bong.
Sa kanyang paglaya ay naghahabol siya sa panahon, bumabawi siya sa mga pagkakataong hindi sila nagkakasama ng kanyang ama, lalo na’t lagi na itong may dinaramdam sa katawan.
Kumpleto ang kanilang pamilya ngayong Pasko. Mula sa kanyang mga anak hanggang sa kanilang mga apo ni Mayor Lani Mercado ay sasalubungin at palilipasin nila ang Pasko at Bagong Taon sa taong ito.
Walang nagbabago sa kanyang itsura, hindi binawasan ng pagkapiit ang kanyang kaguwapuhan, siya pa rin ang aktor-pulitiko na kapag ngumingiti na ay may kakambal na matinding karisma.