tonite-no-thanks-cristy-fermin

Tatahi-tahimik lang pero ubod nang tulis. Ganu’n kung ilarawan ng kanyang mga kaibigan at kasamahan sa trabaho ang isang pamosong male personality.

Kung titingnan mo lang kasi ang lalaking ito ay parang hindi siya makabasag-pinggan. Parang napakasimple lang niya.

Pero kuwento ng aming­ source, “Matulis siya, pagdating na sa babae, gumagana ang lahat ng senses niya. Kahit sandaling panahon lang, nakukuha niya ang babae. Ganu’n siya katulis!

“Nakita n’yo naman ang nangyari sa unang­ relasyon niya, di ba? Buking na buking siya ng wife niya, a­kalain mo nga naman ‘yun, tatahi-tahimik lang siya, pero meron na palang kahati sa pinggan na kinakai­nan ang misis niya?

“Anyare? Ayun, nagkahiwalay sila, nagkaroon uli siya ng karelasyon, pero mukhang tagilid na naman ang male personality, mukhang nabukelya na naman siya ng ka-live-in niya!

“Paano naman kasi, hindi maingat ang guy, palihim siyang gumagawa ng milagro pero isang cellphone lang ang ginagamit niya,” napapailing na kuwento ng aming source.

Isisi niya sa mahiwaga niyang telepono ang pinakahuling kuwento ng pagkabuking sa kanya ng ina ng mga anak niya. Nagbanta ang babae na iiwan na rin siya at uuwi na ang girl sa bansang pinanggalingan niya.

Kuwento uli ng aming source, “Tama ba naman kasing magpalitan sila ng kung anik-anik ng babae sa phone? Du’n din siya nabuking ng ex niya, ‘di ba? Habang humahagok siya sa sarap ng pagtulog, e, may ipinadalang picture ang kulukadidang niya.

“Natural, nakita ‘yun ng ka-live-in niya, buking ang three-point shooter! Nagbabait-baitan kuno ngayon ang male personality, trabaho-bahay lang siya, ewan kung paniniwalaan pa rin ng girl ang mga drama niya!” pagtatapos ng aming impormante.

Kapuso nagdamdam kay Regine

Kailangan talagang­ bantayan ni Regine Velasquez ang kanyang mga sinasabi ngayong nasa ABS-CBN na siya. Walang masama sa pagpapahalaga sa mainit na pagtanggap sa kanya ng istasyong nilundagan niya pero palagi rin sana niyang itatatak sa kanyang isip ang dalawang dekada niyang pagtatrabaho sa GMA-7.

Hindi biro ang dalawang dekada. Dalawampung taon siyang naging­ contract artist ng Siyete. Ang ibig sabihin nu’n sa literal na paglalarawan ay ganu’n din katagal na ang naging laman ng kanyang pinggan sa hapag-kainan ay galing sa iniwanan niyang network.

Kailangang maging parehas si Regine. Nasa Dos na siya ngayon, maraming pangakong trabaho sa kanya ang istasyon, pero dapat ay hindi niya iwinawaglit sa isip niya ang dalawampung taon na naging pa­kinabang niya sa GMA-7.

Natural lang na magdamdam ang mga tagapamuno ng inalisan niyang istasyon sa mga pinakakawalan niyang salita ngayon. ‘Yun ang magiging barometro kung marunong ba siyang tumanaw ng utang na loob.

Para sabihin niya na bago man lang matapos ang kanyang career ay nakatrabaho niya ang number one station, hindi kaya nagdalawang-isip man lang ang Asia’s Songbird bago niya binitiwan ang nanunugat na salitang ‘yun, hindi man lang kaya siya kinilabutan?

Palakpakan ang nari­nig pagkatapos niyang ilitanya na number one station ang ABS-CBN. Natural, puro taga-Dos ang nandu’n, tuwang-tuwa siyempre ang mga ito dahil si Regine Velasquez mismo ang kumumpirma ng kanilang pagiging numero uno.

Konting bantay sa dila. Bali-baligtarin man ang mundo ngayon, magputukan man ang lahat ng mga bulkan, ay hindi maitatakwil ni Regine Velasquez na dalawang dekada niyang pinakinabangan ang istasyong iniwanan niya.