tonite-no-thanks-cristy-fermin

MAKINIS ang kutis ng isang male persona­lity. Pambabae ang ganda ng kanyang balat. Nahihiyang tumabi sa kanya ang mga kayumangging-kaligatan dahil nagmimistula silang nunal ng napa­kakinis at napakaputing lalaking personalidad.

Kutis-mayaman siya. Sa isang kurot lang ay nagmamarka na ‘yun sa makinis niyang balat. Dati na ba siyang ganu’n ­kaputi at kakinis?

Sa isang malaking umpukan ng mga becki ay napuntirya sa kuwentuhan ang flawless na male personality. Maraming nakakakilala sa kanya, kilalang-kilala na siya ng mga nandu’n sa umpukan kahit hindi pa siya nag-aartista, bakit nga ba?

Sabi ng isang miron sa umpukan ng mga becki, “Produkto siya ng mahiwagang gluta. Hindi naman siya ganyan kakinis nu’n! May kaputian din siya, pero ang kakinisan at kaputiang meron siya ngayon, dahil ‘yun sa glutathione.

“E, bakit nga siya hindi puputi nang ganyan, e, dati siyang nagbebenta ng glutathione? Gumagamit siya siyempre, paano siya paniniwalaang gumagawa ng milagro ang produktong ibinebenta niya kung hindi naman siya maputi?

“Ilang taon na siyang gumagamit ng gluta. At may nangyari namang himala sa kutis niya ang produktong ibinebenta niya, ‘di ba?” mahabang reaksiyon ng isang becki sa umpukan.

Binebentahan niya nu’n ng gluta ang isang kilalang male personality na chickboy, puwede sa chicks, puwede sa boys. Pero hindi sila nagkita.

“Naku, bet na bet pa naman siya ng binibentahan niya ng product niya. Pero hindi sila nagkita, hindi nagkrus ang landas nila, masyadong abala ‘yung becki personality.

“Kung naging buyer niya ‘yun, tapos, e, na­ging close sila, ‘yun na! Sigu­radong hindi lang ang ibinebenta niyang glutathione ang nagmilagro, silang dalawa rin siguro!

“E, ‘di ba, huwag na tayong magpaikut-ikot, malamya rin naman ang flawless na male persona­lity, ‘di ba? Sa harap lang naman ng camera nagtutumigas ang kanyang kilos?” napakadiing pagtatapos ng aming source.


Maine babaeng may balls

BINABAGYO ng intriga ngayon si Maine Mendoza. Hindi maganda para sa kanyang imahe ang paglalarawan sa kanya ngayon bilang isang artista. Ang bilis-bilis ng paglipad ng balita na galit sa kanya ngayon ang mga nag-aalaga ng kanyang career dahil sa relasyon nila ni Arjo Atayde.

Lumabas ang kuwentong tinanggal na siya sa Eat… Bulaga. Pero pinasisinungalingan ‘yun ng kanyang handler na si Rams David. Walang nasuspinde, lalong walang tinanggal, fake news ang lumabas.

Meron pang balita na binubulungan siya nga­yon ni Arjo at hinihikayat na lumipat siya sa ABS-CBN para magkasama na sila sa isang network lang.

Hindi kapani-paniwalang may kapasidad si Arjo na panghimasukan ang career ni Maine. Hindi si Arjo ‘yun. Hanggang tungkol lang sa relasyon nila ni Maine ang puwede nitong aksiyunan.

At hindi rin kami naniniwalang kayang talikuran ng Dubsmash Queen ang unang network na nagtiwala sa kanya, huwag pasamain ang imahe ng dalaga, hindi niya ‘yun magagawa.

May sariling disposisyon si Maine, kung naging lalaki nga siya ay merong balls ang dalaga, huwag maliitin at husgahan ang kanyang pagkatao. Alam niya ang kanyang ginagawa.

Sa mga panahong ito na ang bubuli ay naging buwaya na kung ikuwento, ang bulate ay nagiging ahas na, ay maaasahan na ang mga fake news tungkol kay Maine Mendoza at kay Arjo Atayde dahil nanindigan sila.

Hinarap nila ang katotohanan na sila na, nagmamahalan sila, at kailan pa naging krimen ang magmahal ng taong itinitibok ng ating puso?