Male personality nasasakal sa mag-ina

tonite-no-thanks-cristy-ferminNakaaalarma ang sinabi ng isang source tungkol sa isang magka-loveteam na baka mauwi sa wala ang nakikitang magandang relasyon ng publiko sa kanila.

Nakakawindang, sabi pa ng impormante, kapag hindi na kinaya ng lalaki ang matinding pressure na nararamdaman niya mula sa kanyang ka-loveteam-karelasyon at sa ina nito.

Pakiramdam ng male personality ay masyado na siyang nasasakal, parang wala na siyang sariling buhay, dahil kulang na lang na bantayan pa ng mag-ina ang lahat ng kanyang mga kilos at galaw.

“May hangganan ang pasensiya. May limitasyon ang pagtitimpi. Kapag umabot na sa tipping point si ____(pangalan ng young male personality), e, huwag na tayong magulat kapag nakipag-break siya sa girl,” impormasyon pa ng aming kausap.

Nakakatakot!

Bianca napipi sa Atenistang bully

PASKO na nga. Ramdam na ang hindi ordinar­yong ginaw sa umaga at gabi. May sariling kapangyarihan ang Pasko para alisin ang galit sa ating puso. Para palambutin ang mga pusong bato.

Pero kung kailan naman dalawang tulog na lang at Pasko na ay saka pa uminit ang kapaligiran. Saka pa umalsa ang galit ng bayan. Saka pa parang nagkaisa ang sambayanang Pinoy para targetin ng galit ang isang maangas na kabataang bully ng kanyang kamag-aral.

Nakababawas ang naturang isyu sa pagbubunyi ng ating mga kababayan sa pagwawagi ni Catriona Gray bilang Miss Universe. Nakikipag-agawan ng espasyo sa social media ang nagngangalit na emosyon ng bayan patungkol sa bahagya nang umangat sa lupa na mayabang na bagets na walang kaawa-awang sinapak-pinagsisipa ang isang kamag-aral niyang nagulantang sa senaryo.
Ang unang tanong ng mga nakapanood ng viral video ay nasaan ang mga magulang ng batang ito na saksakan nang yabang at bastos? ‘Di ba’t sa tahanan unang itinuturo sa mga bata ang pagiging makatao at tamang disiplina?

Kapag may batang umaakyat sa entablado para sabitan ng medalya ay hindi naman ang kanyang pangalan ang itinatanong ng mga nakamasid. Ang tanong ay may halong pagmamalaki, “Kaninong anak ang matalinong batang ‘yan?”

Ganu’n din ang senaryo kapag isang batang bully at bastos ang sangkot sa usapin, nasaan ang kanyang mga magulang, kaninong anak ba ang salbaheng batang ito?

May kani-kanyang opinyon ang mga nag-post ng kanilang emosyon sa social media. Sabi ng isang mag-aaral, “Subukan niyang gawin ‘yun sa school namin, siguradong sasagana siya sa pektus at manghihiram siya ng mukha sa aso!”

Ang iba naman ay lantarang pinintasan ang batang bully nang pisikal. Matindi raw ang galit sa mundo ng bastos at maangas na mag-aaral dahil hindi siya biniyayaan ng kaguwapuhan, katangkaran at iba pang kapuri-puring katangian kaya siya ganyan.

Nakakaawa ang binatilyong sinaktan. Sabog ang nguso nito, ginawang punching bag ang kanyang katawan, ano ang karapatan ng hayup na batang ‘yun na ni hindi namuhunan nang kahit isang gabi lang ng pagpupuyat para palakihin ang anak ng may anak?

Ano ang akala niya sa batang gusto pa niyang pahalikin sa kanyang mga paa, manok na pagkatapos palakihin at alagaan ay kakatayin na at ipanghahanda sa fiesta?

Hinahamon din ngayon ng mga netizens ang mga persona­lidad na nag-aral sa Ateneo na mahilig makisawsaw sa halos lahat ng isyu. Nangunguna sa kanilang listahan si Bianca Gonzales na palaging nakaabang sa isyung pakikisawsawan nito.

“Ano ka ngayon, Bianca Gonzales, ‘di ba, napakahilig mong makisawsaw? Bakit yata napipi ka nga­yon? Ano ang masasabi mo sa kapwa mo Atenistang bully, magsalita ka!” paghahamon ng isang netizen sa kanya.

Sa personal naming opinyon ay dapat lang parusahan ng kanyang paaralan ang bastos nilang mag-aaral. Pagtataboy palabas ng Ateneo ang sigaw ng mga magulang ng mga estudyanteng nag-aaral du’n na makatwiran lang naman, dahil baka isang araw ay ang kanilang mga anak na ang sapukin-pagsisipain ng maangas na bully.

Pero hindi dapat lahatin ang mga taong nagtapos at nag-aaral pa sa Ateneo, maging ang paaralan, dahil ang kawalanghiyaan ng isang estudyante ay hindi dapat ipaako at ipasunong sa ibang tao.

Sa kanya lang.