Male personality tinalbugan ng mga bagets na tinitilian

MISMONG mga itinuturing na tunay na kaibigan ng isang sikat na male personality ang nagsasabi na handa na siyang magretiro sa pag-aartista anumang oras.

Bukal sa puso niyang tinatanggap na hindi na niya panahon, napakarami nang nagsulputang bagong artistang titilian-hahangaan ng bayan, kaya wala na siya sa estadong dating hinahawakan niya.

Kuwento ng aming source, “Dati kasi, buhok pa lang niya ang nakikita ng mga tao, e, hindi na magkamayaw sa pagkakilig, pagtili at paghanga sa kanya ang mga nakakakita sa kanya!

“Palagi siyang may galos pagkatapos ng show niya dahil sa sobrang pangma-mob sa kanya, naiintindihan niya naman ‘yun, never siyang nagsuplado dahil malaking bagay nu’n para sa career niya!

“Pero nadadagdagan na kasi ang age niya, hindi na siya bagets para pagkaguluhan pa rin, marami nang nagdatingang mga bagets na tinitilian ang bayan ngayon,” kuwento ng aming impormante.

Pero may sasandalan ang sikat pa ring male personality kung sakaling magdesisyon na nga siyang magpaalam sa showbiz. Masinop siya sa pananalapi, alam niya kung saan ilalagay ang mga kinikita niya, nagnenegosyo na ang lalaking personalidad.

“Hindi na siya maghihirap, marami na siyang naipundar, may pera na rin siyang maaasahan sa tuluyan niyang pagtanda. Hindi siya magmumukhang kawawa, napaghandaan na niya ang panahong one day, e, nagbababu na siya sa pag-aartista,” kuwento uli ng aming source.

Sa kanyang pamamaalam kapag dumating na ang panahong ‘yun ay maaalala siya ng ating mga kababayan bilang guwapong aktor na hindi nagkaroon ng pangmatagalang karelasyon.

“Aalalahanin din siya ng publiko bilang isang misteryosong artista. Kung bakit, e, siguradong alam n’yo na ang dahilan,” pagtatapos ng aming source.

Xian-Kim nangangamoy hiwalayan

TIWA-tiwayway sa haba ang mga pangalang pinagtawiran ng pasasalamat ni Kim Chiu dahil sa isang kahindik-hindik na karanasang hindi na niya makakalimutan habang nabubuhay siya.

Hindi simple ang kanyang nakaengkuwentro, konting-konti na lang at puwede na siyang pinaglalamayan, kaya ganu’n na lang ang pasasalamat ng aktres sa matinding paggabay sa kanya ng Diyos.

Sabi nga ng isang nakausap namin ay hindi pa niya oras. Hindi pa ito ang takdang panahon ng kanyang pamamaalam sa mundo. Marami pa siyang dapat gawin na kailangan niyang tapusin.

Pero sa ihinaba-haba ng kanyang pasasalamat ay wala ang pangalan ng sinasabing karelasyon niyang si Xian Lim. Paulit-ulit pa naming binasa ang post ng pasasalamat ng aktres pero wala talaga du’n ang pangalan ng aktor.

Natural lang ang tanong ngayon ng buong bayan ay bakit? Si Xian Lim ang isa sa mga pangalang dapat unang-unang pinasalamatan ni Kim pero bakit wala ang pangalan nito sa listahan?

Kinapos ba ng pagsuporta si Xian nang mabingit sa kamatayan ang buhay ng kanyang girlfriend? Meron ba silang matinding away?

Komento naman ng isang nag-post, “Ito na nga siguro ang panahon para magpakatotoo sila. Mula naman nu’n, e, pinagdududahan ang relasyon nila. Maraming hindi naniniwala.”

Nakakalungkot lang isipin na ang dami-daming pinasalamatan si Kim pero ang pangalan ng lalaking mahalaga sa kanyang buhay ay wala.

Nang maganap ang pagratrat sa van ni Kim ay meron din namang ipinost si Xian Lim. Itim. Basta kulay itim lang.

‘Yun na kaya ang pahimakas ng kamatayan ng kanilang pagmamahalan na pinagdududahan ng marami? Ang hindi kaya pagpapakita ng pagpapahalaga ni Kim sa aktor ay nagbabadya na ng kanilang pagkakani-kanya?

Sabi nga ni prop, “Natural lang na ang wala ang hinahanap. Binaril-baril ang van ni Kim, dumating ang mga kapatid niya, ang mga bossing nila sa ABS-CBN, pero walang Xian na sumuporta?

“Nasaan na ang kanyang knight in shining armor? Nasaan na ang kanyang tagapagligtas? Waley!” natatawang komento ng kaibigan naming propesor.