TOTOO kaya ang kuwentong nakarating sa aming source na may isang non-showbiz girl na binabalik-balikan ang isang kilalang male personality ng telebisyon?
Wala silang ugnayan ng nasabing babae, ayon sa aming impormante, pero meron silang pagkakasundo na kapag kailangan nila ang isa’t isa ay puwede nilang angkinin ang mundo.
Kuwento ng aming source, “Malinaw na wala silang commitment sa bawat isa, may pamilya na ang guy, maayos naman ang pagsasama nila ng wife niya, pero anytime na kailangan niya ang girl, nagkikita sila at sabay na lumilipad sa kaligayahang pisikal.
“Understood nilang pareho na wala silang pananagutan sa isa’t isa, pero malaya nilang nagagawa ang ordinaryong ginagawa ng magkarelasyon, matagal nang ganu’n ang set-up nila.
“Masakit mang pakinggan, ang tawag sa kanila sa ganu’ng set-up, e, fuc–ng friends,” pagtatapos ng aming source.
Wala man lang bang clue?
“Sikat ang wife ng male personality, marami na silang anak, ewan lang kung alam ng girl na may ganu’ng nagaganap sa buhay ng husband niya!” pagbibigay ng clue ng aming impormante.
Celebrity guy nagkulang ng respeto sa pamilya ng singer-actress
MASAYANG-masaya pala ang pamilya ng isang kilalang singer-actress nang magkahiwalay sila ng isang male personality. Mula sa umpisa ng kanilang relasyon ay hindi na tanggap ng pamilya ng singer-actress ang kanyang boyfriend.
Kuwento ng aming source, “Sa guy rin naman kasi nanggaling ang reason kung bakit hindi siya gusto ng family ng singer-actress.
“Nagkulang siya sa pagrespeto, may kayabangan pa siya, kaya sa umpisa pa lang, e, sinabihan na ng parents ang girl na tutol sila sa relasyon na meron sila.
“Saan ka nga naman makakakita ng lalaki na ang mahal lang, e, ang girlfriend niya at wala siyang pakialam sa pamilya nu’ng babae? Ni hindi nga siya umaakyat sa bahay nu’ng babae?
“Sinusundo niya kapag magde-date sila, pero nasa car lang siya, du’n naghihintay. May respeto ba ang ganu’ng lalaki? Kaya nu’ng mag-break na sila ng singer-actress, e, walang pinakamaligaya kundi ang family ng girl!
“Do you know the way to …,” pagbibigay pa ng clue ng aming source sa kanyang pagtatapos.
Kuwentong-anekdota kay Amalia Fuentes
PUMANAW na ang Movie Queen ng kanyang panahon na si Ms. Amalia Fuentes. Nagluluksa ang buong industriya dahil itinuring siyang poste ng lokal na pelikula.
Sa kanyang pagpanaw ay magkakasama na sila ngayon ng kanyang kaisa-isang anak na si Liezl Sumilang-Martinez at ng ama nitong aktor na si Romeo Vasquez.
Marami kaming kuwentong-anekdota na mismong si Tita Nena ang nagkuwento. Masinop siya sa pera, hindi siya gumagastos nang basta-basta, dahil ang kanyang katwiran ay hindi naman hawak ng mga artista ang bukas.
Unang kuwento ni Tita Nena, “Nagpagawa ako ng swimming pool sa bahay ko sa New Manila, paminsan-minsan lang namang naliligo si Liezl at ang mga pinsan at kaibigan niya! Nu’ng maglaon, e, wala nang pakinabang ang swimming pool!
“Pinatabunan ko na, tinamnam ko na lang ng gulay ang space, anytime na kailangan ko ng mga gulay, e, hindi na ako nagpapabili, nandu’n nang lahat!” kuwento ni Tita Nena.
Ikalawang kuwento, “Nu’ng ipinagagawa ko ang bahay ko sa Hillsborough sa San Francisco, e, isa ako sa mga karpintero. Binabantayan ko ang paggawa, pinupulot ko ang mga pakong nahuhulog, ako ang bumibili, kaya kailangan kong isinop ang mga kagamitan!
“Nagpalagay ako ng terrace para kitang-kita ang bulubunduking view, ‘yun pala, e, sa terrace na ‘yun dadaan si Liezl nu’ng magtanan sila ni Albert!
“Ang kakuntsaba niya nu’n, e, ang pinsan niyang si Arlene, dalawang pinagdugtong na kumot lang ang naging puhunan niya sa pagtatanan!” napapangiting pag-alala ni Tita Nena.
Nakikiramay po kami sa lahat ng kanyang mga iniwang kamag-anak, hangad naming ang mapayapa niyang pagbiyahe sa kabilang mundo, paalam sa palaban at marunong humawak ng perang Movie Queen.