
Para sa mas nakararami ay maagang nalunod sa isang basong tubig ang isang male personality. Hindi pa man ay umakyat na agad sa kanyang ulo ang popularidad na tinatanggap niya ngayon.
Hindi pa naman siya sikat na sikat, pero ayon na rin sa kanyang mga katrabaho ay parang ganu’n na nga siya, mahirap nang intindihin at abutin.
Kuwento ng aming source, “Mahirap ang ganyan na very visible nga siya, nagkakaroon siya ng mga projects, pero marami namang itinatagong galit sa kanya ang mga ka-industry niya.
“Nakaaapekto ‘yun sa trabaho niya, instead na maayos ang career niya, e, maraming nasasabi sa kanya ang mga taong naging reason kung bakit siya nandyan ngayon.
“Marami siyang binigo. ‘Yung mga tao pang nagpursige para makilala siya ang sinaktan niya. Kung anu-anong alibi ang ibinigay niya, pero ang totoo, short cut sa pagsikat ang ginawa niya.
“Sumagot na siya sa project na gagawin niya, tapos, nagbago ang isip niya, natural lang na magalit sa kanya ang mga taong pinaasa niya sa wala,” simulang kuwento ng aming impormante.
Nu’ng minsang nagbabasa ng tabloid ang isang grupo habang break nila sa taping ay nakita nilang may write-up ang male personality.
“Itinuro siya ng isang katabi ng nagbabasa, ang sabi, ‘Sayang siya, nakatatak na sa pagkatao niya ang kawalan ng utang na loob.’ Kahit gaano pa siya kagaling umarte, nakakabit na sa image niya ang kawalan ng utang na loob sa mga taong unang-unang tumulong sa kanya.
“Mahirap ang ganu’n. Instead na makita ang capacity niya, ang mas nakikita ng mga tao sa kanya, e, ang hindi niya paglingon sa pinanggalingan niya. Hindi rin sya magiging masaya kapag ganu’n,” pagtatapos ng aming source.
Alden hinanap sa eroplano ang mga gustong magpa-picture
Kaarawan kahapon ni Alden Richards. Twenty seven years old na ang Pambansang Bae. Siguradong maligaya niyang ipinagdiwang ang kanyang kaarawan dahil wala na siyang mahihiling pa.
Simula pa lang ng taon ay niregaluhan na siya ng kapalaran. Nasa kanya na ang lahat ng mga materyal na bagay na puwedeng hilingin ng may kaarawan.
Napakaagang nakapaghanda ni Alden para sa kanyang kinabukasan. Isang bahay na pinapangarap ng kahit sino sa isang kilalang subdivision. Para ‘yun sa kanyang pamilya na pinaghuhugutan niya ng bitamina sa pakikipaglaban sa mundong pinasok niya na mas marami ang peke kesa sa totoong tao.
Maaga rin niyang pinasok ang pagnenegosyo, magtatatlo na ang sangay ng Concha’s at sa mga unang buwan ng taong ito ay bubuksan na rin ang branch niya ng isang malaking food chain.
Kapag pinagkukuwentuhan namin si Alden ay puro papuri ang naririnig namin. Nanatili kasi siyang simple, mapagkumbaba at walang tinatapakang kahit sino.
Basta trabaho lang siya nang trabaho, hindi niya ipinagkakait ang kanyang sarili sa mga fans na tunay na nagbigay sa kanya ng popularidad na dati’y pinapangarap lang niya, mapagpahalaga si Alden sa mga taong nakatutulong sa kanya.
Sabi ng kaibigan naming si Lina na nakasabay sa flight ni Alden, “Very approachable siya. Nagmamadali siya, boarding time na nu’ng dumating siya, kaya hindi niya napagbigyan ang mga may gustong magpa-picture sa kanya.
“Sabi ni Alden, ‘Mamaya po, hahanapin ko kayo sa plane, boarding time na po kasi.’ At totoo nga, nu’ng mga thirty minutes na kami sa ere, hinahanap niyang isa-isa ‘yung mga gustong magpa-picture sa kanya!
“Imagine that? Talagang siya pa ang humahanap sa mga fans niya, instead na siya na lang ang puntahan sa upuan niya!” tuwang-tuwang kuwento ng aming kaibigan.
Simpleng kuwento pero nagpapatotoo lang kung gaano at paanong nakalapat pa rin ang magkabilang paa sa lupa ng Pambansang Bae sa kabila ng kanyang kasikatan at tagumpay.
Happy, happy birthday, Alden!